Subscribe:

Pages

sunset

Tuesday, June 25, 2013

Ang Satanista Kong Kaibigan

-----------------------------------------

Ang Kaibigan Kong Satanista

-----------------------------------------


Sa unang tingin mo, hindi mo mahahalata na isa pala siyang Satanista, dahil una at higit sa lahat isa siyang babae. Kung di mo aalamin ang pagkatao niya ay aakalain mong isa siyang anghel na bumaba ng lupa. Sa itsura palang niya, parang mahirap paniwalaan na salungat pala sa itsura niya ang tunay niyang pagkatao at ang background ng kanyang pamilya. Hindi ko naman talaga sinadya na maging kaibigan siya, nagkataon lang ang lahat.

Nagsimula ang lahat noong nakaraang taon. Araw ng miyerkules, pista ng Immaculate Conception. Isa ako sa mga sakristan na nagsisilbi tuwing may misa. Mahigit dalawang taon ko na rin itong ginagawa. Walang kapalit na bayad ngunit sulit naman ang atensyon na binibigay ng mga tao sa akin. Nag-aaral nga pala ako sa isang paaralan na pinapatakbo ng mga Madre ng Daughters Of Saint Paul. Sa totoo lang, iba talaga ang intensyon ko kung bakit ako pumasok sa Knights Of The Altar. Ang totoo niyan, gusto ko lang naman mapansin ng mga tao sa amin. Ako kasi yung tipong tao na medyo hindi nakikihalubilo sa mga tao dito kaya sa isip ko, sa ganitong paraan lang siguro nila ako mapapansin. Mataas kasi ang tingin ko sa mga sakristan noon. Noong mga panahong hindi pa ako kabilang sa kanila. Mabubuti at malilinis na tao ang tingin ko sa kanila dati. Hanggang sa humantong sa kagustuhan kong mabansagan din na mabuti, malinis at banal na tao kaya sumali ako sa Knights Of The Altar ng simbahan namin. Ngunit nang lubusan ko nang nakilala ang ilan sa mga miyembro nila ay nalaman kong mali pala ang panananaw ko. Noong nagkaroon kami ng Orientation at Seminar, nalaman kong marunong din pala sila magmura, nanonood din pala sila ng mga bold. Naikwento pa nila sa akin noong ako'y baguhan pa lamang na madalas silang mangupit ng pera sa mga offerings na binibigay ng mga tao. Kami din kasi ang inuutusan na magdala o magtransport ng mga offerings sa kumbento. Kaya, maliit lang ang isang daan na nakukupit nila (namin) sa tuwing nagkakaroon ng misa. Naisip ko, ganito din ba kaya ang gingawa ng mga pari?

Yun ang mga dahilan kung bakit ko naisipang magsakristan. Hindi kailanman pumasok sa isip ko na pagsilbihan ang diyos. Gusto ko lang mapansin ng lahat ng tao dito sa amin. Gusto kong ipakita sa kanila na isa akong makadiyos na tao. Natutunan ko ang ganitong prinsipyo sa mismong kamiyembro namin.

Nandito kami ngayon sa labas ng simbahan. Inaantay namin ang pari para masimulan na ang Entrance Hymn. High Mass ang gaganaping misa dahil kapistahan ng Immaculate Conception. Dalawang klase kasi ang misa na pinagsisilbihan namin. Low Mass o Ordinary Mass, yung kadalasang misa tuwing linggo, pwede ring first friday mass as long as wala espesyal na okasyon sa araw na gaganapin ang misa. Ang pangalawang klase naman ay ang High Mass, halimbawa ay ang misa tuwing Ash Wednesday at mga araw ng pista ng partikular na Santo. Anim sa amin ang maghahawak ng Candlesticks samantala isa naman ang para sa Thurible o yung sinisindihan ng insenso, isa din sa Incense Boat o lalagyan ng ensenso sa tagalog, isa naman ang may hawak ng bell, isa sa krus na siyang magsisilbing leader sa Invocation Rites at ang mga natirang baguhan na mga sakristan ay magsisilbing mga altar servers o mga alalay ng pari tuwing communion. Kabilang ako sa mga tagahawak ng Candlesticks at pakiramdaman ko parang mababang uri lang ako ng sakristan. Pangarap ko talagang magdala ng krus o di kaya'y Thurible dahil mas kapansin-pansin ang mga role nila kumpara sa aming mga tagadala lang ng Candlesticks.

Isa din sa mga dahilan kung bakit ko ito pinasok dahil sa astig na outfit. Ang tawag dito ay sutana sa aming native tongue. Ibang-iba ang outfit namin kumpara sa ibang simbahan sa karatig lungsod at probinsya namin. Isang mahabang itim na whole dress ang nasa ilalim na animo'y outfit ni Keanu Reeves ng sci-fi movie na The Matrix. Sinasapawan namin ito ng puting pleated dress para naman magmukha kaming makadiyos tingnan. Kasi kung yung itim na whole dress lang ang susuotin namin, magmumukha kaming mga alagad ng kadiliman. Ewan ko ba kung sino ang nagdesenyo nito, ang alam ko lang ay nagagandahan ako sa suot ko ngayon. Pakiramdam ko, banal ako at pinagpala kaya bawat tao na dumaraan ay maingat na bumabati sa akin.

Dahil nasa may entrance kami ng simbahan, nakikita kami ng mga taong papasok pa lang. Inayos ko ang sutana ko at taas noo na binati ang mga nagsisipagdaan.

"Hi, Tian. Ang gwapo mo ngayon sa suot mong 'yan ah?" sabi ni Sheyna, isa sa mga natitipuhan kong babae dito sa amin. Ngumiti siya at nginitian niya rin ako.

"Para namang ngayon ka lang nakapagsimba ah," sabi ko sa kanya.

"Hehe. E mas madalas kasi kitang makita na nakacivilian attire kaya naninibago lang ako sa itsura mo ngayon. Anyway, papasok na ako. Hinihintay na ako nina mommy sa loob," sabi niya sabay kindat sa akin. Minasdan ko nalang siya na pumasok ng simbahan.

Nagulat nalang ako nang dumaan ang isang grupo ng kababaihan sa harap ko, "Hi Christiaaan," sabay-sabay na sinigaw nila habang papasok din ng simbahan. Kumaway nalang ako at ngumiti sila. Narinig ko pa silang nagtilian sabay na nag-unahan sa pagpasok.

Nakuha ko nga ang gusto kong mangyari. Sikat na ako dito sa amin lalo na sa mga babaeng kaedad ko. Kakaiba talaga ang pakiramdam ng ganito. Gusto ko sana ay araw araw nalang ay may misa para laging may makapansin sa akin.

Maya-maya lang may napansin akong babae sa may park. Nakaupo siya sa isang bench na di kalayuan sa kinaroroonan ko. Parang may inaantay siya sa parke. Nasa tapat lang kasi ng simbahan namin ang parke kaya tanaw na tanaw ko ang mga taong namamasyal at tumatambay dito. Sumipol sipol ako kunwari nagababakasakaling mapansin niya ako at itong ayos ko ngayon. Sa isip ko, may isa pa palang babae na hindi ko pa nakikilala dito sa amin. Nilakasan ko pa ang pagsipol ngunit kahit anong gawin ko, ayaw niyang lumingon sa kinaroroonan ko.

"Mga pare, ang tagal naman ni father," narinig kong sinabi ni Evan, isa sa mga kasamahan amin.

"Malamang nagreretouch pa yun ng make up niya," biro naman ni Bert, ang pinkamantanda naman sa amin.

"Baka naman inatake na naman siya ng almuranas niya?" hirit ng Panjo, ang pinakaloko-loko at tarantadong sakristan dito. Naghalakhakan ang lahat sa biro niya maliban sa akin.

Dismayado talaga ako sa mga oras na ito pagkat di ko magawang kunin ang atensyon ng babaeng nakaupo sa may bench. Kanina pa ako nag-eeffort at kung ano-ano na ang pinaggagawa ko para lang mapansin niya ngunit sa kasamaang palad, deadma lang sa kanya ito. Nakakapagtaka talaga pagkat yung damit niya ay angkop naman pangsimba pero di ko magets kung ba't nasa parke pa rin siya.

Hindi nagatagal, lumipat siya siya ng bench at mas malapit ito sa kinaroroonan ko. Natuwa ako ng konti pagkat mas malinaw ko na siyang nakikita. Nakaharap pa siya sa akin ngunit nakatungo naman ang ulo at abala sa pagkalikot ng cellphone niya. Tamang tama lang ang layo at distansya niya sa akin. Ang ganda niya sobra pero nakakalungkot isipin na hindi man lang niya ako magawang lingunin kahit saglit man lang.

"Pare, sinong tinitingnan mo?" tanong ni Peter, ang siyang pinakamatino sa amin.

"Inaantay ko yung babaeng yun na pumasok sa simbahan," sagot ko sabay turo sa magandang babae sa nakupo sa bench na kanina ko pa minamatyagan.

Tinapik niya ako sa likod. "Walang mangyayari kahit maghintay ka man ng ilang taon dito, pare. Pustahan pa tayo, taya ko kaluluwa ko. Hinding hindi yan papasok dito," sabi niya na para bang sigurado siya sa pinagsasabi niya.

"Talaga lang ha? Pano mo nalaman? Kilala mo siguro 'yan no?" Siniko ko siya, "Uy, pare pakilala mo naman."

"Ganon kasi ang pakiramdam ko. Pero di ko kilala 'yan ha. Sa totoo lang ngayon ko lang nakita ang mukhang 'yan dito.'

"Baka naman bagong lipat. Try mo nga tanungin ang instict mo tutal doon ka naman magaling e," sabi ko at binatukan niya ako.

"Sira, lahat naman tayo may kanya kanyang pakiramdam at instinct. Pero kung tatanungin mo ako, parang bagong lipat nga." Binawi niya bigla ang sinabi niya kaya nalito ako. "Pero mukhang hindi e, medyo pamilyar kasi ang itsura niya pero di naman ako sigurado kung saan ko siya nakita at kung siya nga ba talaga yung nakita ko," sabi ni Peter ngunit napakamot nalang ako ng ulo at napahimas ng baba habang tinitigan pa rin ang babae.

Napabuntong hininga ako. "Kailan kaya siya lilingon dito?" tanong ko sa sarili ko.

"Uy, posisyon na. Andiyan na si Father," narinig naming sinigaw ni Bert.

Natauhan nalang ako bigla. Kinuha ko naman ang candle ko at humanay ayon sa posisyon namin. Nagsimula na ang Entrance Hymn, tumunog ang bell na hawak ng isang kapwa ko sakristan. Umusok ang insenso sa Thurible. Naunang naglakad ng marahan ang may hawak ng krus. Sa isip ko, balang araw magiging tagahawak din ako niyan. Sumunod ang may hawak ng insenso at ang alalay niyang may hawak na incense powder at uling. Sumunod naman kaming mga tagadala ng candlesticks. Taas noo akong naglakad sa aisle patungong altar kasama ang iba pang mga sakristan habang hawak ang Candlesticks namin. Nasa likod si Father, tinataas ang bibliya. Gustong gusto ko talaga ang ganitong pakiramdam tuwing misa. Tumaas lalo ang confidence ko at sa parehong pagkakataon tumaas din ang tingin ng mga tao sa akin.

0 comments:

Post a Comment