Subscribe:

Pages

sunset

Tuesday, June 25, 2013

Suicide Letter Chapter 9

Chapter 9: Narinig Ko ‘Yun!

[Author’s Point Of View]

Bandang alas kwarto ng hapon nang matapos ang klase nina Jeth sa Workshop Theory. Diretso siyang umuwi ng apartment dahil hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga oras na ito.

Bakas sa mukha niya ang kalungkutan. Naninibago din siya dahil sa araw na ‘to hindi siya sinamhan ni Shan sa skwelahan. Madalas siya magpunta ng park tuwing uwian pero himala at pinagpaliban niya ito sa araw na ito. Ayon sa kanya, parang may kulang at hindi maganda sa araw niya ngayon at sa tingin niya may kinalaman nga ito kay Shan.

Binuksan niya ang gate at bumungad sa kanya si Shan na nasa may bakuran. Nakaupo siya sa bermuda grass na nasa tapat ng veranda habang naaliw niya ang kanyang sarili sa naggagandahang mga bulaklak na pag-aari ng landlady ng compound.

Napangiti ang binata ng sobra nang makita ang dalaga. Sa hindi niya alam na dahilan, napawi ang kanyang pag-aalala at biglang nagbago ang kanyang pakiramdam.

Hindi napansin ng dalaga ang pagpasok ng binata. Naglalaro ang kanyang isip sa mga sandaling ito. Simula kanina, wala na siyang ibang ginawa kundi ang maupo sa bermuda grass habang minamasdan ang mga bulaklak na sumasayaw sa tuwing umiihip ng malakas ang hangin. Minsan din kinakausap niya ang kanyang sarili na parang baliw. Pero sa isip niya, mas mabuti na ang ganito kumpara noong mga panahong nakakulong pa siya sa sarili niyang kwarto.

“Bakit ganon? Nalulungkot ako pero ayaw naman umulan. Ang sama ng panahon, ayaw makisama,” narinig ng binata na sinabi ng dalaga.

Natawa ang binata sa kanyang isip matapos marinig ang sinabi ng dalaga. Hindi kasi niya inaasahan ang ganitong ugali kay Shan.

Pero kapansin-pansin ang kalungkutan sa mga mata ng dalaga. Marahil ay di pa ito nakakarecover sa mga nangyari nitong huling araw.

Dumaan ang binata sa likuran ng dalaga, “Ahem,” sabi niya.

Nasa kalagitnaan ng pagmumuni si Shan kaya expected na ni Jeth na mabigla ito sa pagdating niya.

Napalingon si Shan sa likod niya, “Ay! Anak ng!?” sigaw ng dalaga.

“Anak ng ano!?” pasarcastic na sinabi ng binata.

“Anak ng tao,” sagot ni Shan sabay ngisi nang makitang si Jeth pala ito.

Tumaas ang kilay ng binata. “Nang-aasar ka ba??”

“Bakit? Galit ka? Totoo namang anak ka ng tao ah?” sagot ng dalaga kaya lalo lang nainis ang binata sa kanya.

Hindi na pinatulan ni Jeth ang sinabi ni Shan sa halip ay pumasok nalang siya sa loob. Napabuntong hininga ang dalaga sa inasta ng binata. Malungkot niyang pinanuod na pumasok sa loob ng apartment ang binata.

“Bwisit, ba’t dumating ka pa? Okey na ako kanina nung wala ka,” padabog na sinabi ng dalaga.

Napaigtad ang siya nang biglang magbukas ang pintuan. “May sinasabi ka!?” tanong ng binata.

Hindi umimik ang dalaga kaya lalo lang naguluhan ang binata. Muli na siyang pumasok sa loob at nadatnan niya sa salas ang kasama niya sa apartment na si Jung. Isang middle aged na lalaki na nagtitrabaho sa isang small-time company. Pansamantala itong nangungupahan ngayon dahil ayon sa kanya hindi pa sapat ang kanyang pera para makapagtayo ng sariling bahay. Nagulat si Jeth nang tumitig ito sa kanya.

“Bakit?” tanong ni Jeth.

“Sinong kausap mo sa labas, pare?” tanong ni Jung.

Napakamot ng ulo si Jeth, “Yu-yung hardinero,” pagsisinungaling ni Jeth at mabilis na dumaan sa harap ni Jung.

“Bwisit,” bulong ng binata sa kanyang sarili pagkatapos ay pumasok na ng kwarto.

Dali-dali niyang kinuha ang kanyang laptop. Chineck ang kanyang e-mails at mga accounts niya sa lahat ng mga social networking sites.

Matagal na rin niyang hindi nakakausap ang kanyang amang di umano’y nasa labas ng bansa ngayon. Huli niya itong nakausap noong isang buwan bago pa ito nakapagpadala ng pera sa kanya. Ginawa niya ang lahat ng paraan para macontact ang kanyang ama pero nabigo siya dito. Sa huli, nalaman niyang hindi na pala active ang e-mail address na ginagamit ng kanyang ama ngayon.

Sumunod na ginawa niya ay tinype niya sa search box ng isang search engine ang pangalan ng kanyang ama ngunit wala naman siyang namataang kahina-hinala sa mga naglabasang results.

Nagbrowse siya ng ilan sa mga prominenteng news and information sites ng Pilipinas. Niclick niya sa may home page ang taong 2008 at napunta ito sa isang page kung saan nakalista ang mga nakalap nitong balita at impormasyon sa taong ito.

Niscan niya lahat ng laman nito. Wala siyang iniiwang salita na di nahahagip ng kanyang mata. Dahil sa curious talaga siya tungkol dito, inabot siya ng mahigit dalawang oras at ngayon hindi pa rin siya natatapos. Biruin mo, nagsimula siyang maghanap sa buwan ng Enero at ngayo’y nasa buwan na siya ng Agosto.

Tumagal pa ng kalahating oras bago siya natapos sa pagscan ng mga articles. Sa kabutihang palad, wala naman siyang nakitang article na may kaugnay sa siniwalat ng kapatid ni Shan tungkol sa kanyang ama.

Bumalik siya sa facebook. Tinype niya sa search box ang pangalang Aisha Villamonte. Pagkatapos busisihin ang profile nito, agad siyang nag-iwan ng isang message dito.

Ilang minuto ang lumipas, hindi pa nakuntento ang binata at nagpunta pa siya sa isa pang news site at don nagsimula ulit magkalkal ng mga articles.

Napatigil siya bigla sa ginagawa niya nang mapansing may kakaiba sa paligid. Nakiramdam muna siya at sa palagay niya’y si Shan ito.

Hindi nga siya nagkamali. Nakita niya si Shan na tumabi sa kanya kaya agad niyang sinarado ang laptop. Hindi niya nagustuhan ang ginawa ng dalaga kaya tiningnan niya ito ng masama.

Nagpacute ang dalaga sa binata kaya parang nanigas siya dahil dito. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya dahil kailan lang ay malungkot ito.

“Ay, ang daya. Anong ginagawa mo?” tanong ng dalaga.

“Wala ka nang paki,”

“Hala, nanunuod ka ng ano no? Ng alam mo na,” pang-aasar ng dalaga sabay tawa.

Nagulat ang binata sa sinabi niya. Alam niyang nagbibiro lang ito pero sa isip niya ay parang sobra na yata at hindi na ito magandang birong.

Tiningnan niya ng maigi si Shan. Kumunot ang noo ng binata at lalo pang naningkit ang mga mata niya. Pero sa loob ng binata, masaya siya dahil nagagawa na ulit tumawa ng dalaga sa kabila ng di kaaya-ayang biro nito.

“Eto naman o, ang sungit-sungit. Siyempre biro lang,” sabi ng dalaga sabay pacute.

Masama pa rin ang tingin ni Jeth kay Shan. Biglang niyang tinuro ang pintuan at alam na ng dalaga ang ibig sabihin nito. Napabuntong-hininga siya sabay na tumayo at padabog na lumabas ng kwarto.

Bumalik ang dalaga sa tapat ng veranda. Nagkulay kahel na ang langit dahil nagsisimula nang lumubog ang araw sa kanluran. Naupo ulit siya sa bermuda grass sabay hinga ng malalim.

Hindi nagtagal, tumama sa kinaroroonan niya ang sinag ng araw. Hindi man niya ramdam ang init nito pero di maitatangging nasisilaw siya sa sinag nito kaya lumipat siya sa kabilang bahagi ng bakuran. Pumwesto siya sa tapat ng orchidarium. Sa may gilid nito ang mga nakahanay na mga tulips. Napabuntong-hininga ulit siya habang iniimagine na hawak niya sa kamay niya ang mga ito. Lalo lang siyang nalungkot dahil namiss niya bigla ang buhay niya noon.

Tinapat niyang muli ang kamay niya sa mga petals nito. Pilit niyang pinapakiramdaman ang mga bulaklak pero wala namang nangyayari.

Nagulat nalang siya nang makitang may biglang pumitas ng tulips na kanina pa niya hinahaplos. Halos malaglag ang panga niya sa lupa nang makitang si Jeth ito. Tulala siyang nakatitig sa binata.

“Bakit? Di ba gusto mo ‘to?” tanong ng binata habang hawak-hawak ang bulaklak sabay bigay ng matamis na ngiti na ikinabigla ng dalaga.

Natauhan ang dalaga at napahiya nang marealize na kanina pa siya nakatitig kay Jeth. Di niya maiwasang magtaka sa pinapakitang ugali ng binata dahil hindi naman ganito ang nakasanayan niya noon. Ibang-iba kasi ang hatid ng ngiti nito ngayon kumpara sa ngiti niya noon.

“Hala, bakit mo pinitas? Kawawa naman yung bulaklak,” sabi ni Shan sa malungkot na boses.

Tumaas ang kilay ng binata. “Akala ko ba gusto mo nito?”

“E sira ka rin pala no? Sinabi ko ba yun? Tsaka mag-isip ka nga, anong silbi niyan kung di ko naman ito pwedeng hawakan? Sana naman nagkaroon ka man lang ng konting awa. Hinayaan mo nalang sanang mabuhay ‘yan kasama yung ibang flowers dito. Kawawa tuloy yung tulip, para mo nang pinatay,” pagdadrama ni Shan.

May punto si Shan pero napakamot ng ulo si Jeth dahil parang sobra naman yata ang pinapakita niyang simpatya sa kalikasan ngayon. Pero sa huli, naisipan niyang sakyan nalang ang pagdadrama ng dalaga.

“Pakiabot nalang ng sorry ko sa mga kasama niyang bulaklak,” sabi ni Jeth.

“Wala na, pinatay mo na e,”

Tinaas ng binata ang dalawang kamay niya. “Guilty na po madam. Tanggap ko na ang pagkakakulong ko,”

“Wag na, pardoned ka na,”

“Ha? Ang bilis naman ata?”

“Tama na. Mukha kasing nasisiraan ka na ng bait,”

Nilagay ni Jeth ang bulaklak sa likod na bulsa niya at naupo sa tabi ng dalaga.

Nanigas ang si Shan at sa mga sandaling ito di niya alam kung anong gagawin niya. Parati naman niyang nakakasama ang binata pero parang iba yata ang pakiramdam niya ngayon.

Nakita niyang kinuha ng binata ang bulaklak sa kanyang bulsa. Akala niya ay ibibigay ito ni Jeth sa kanya pero napahiya siya nang makitang nilagay lang pala niya ito sa likod ng kanyang tenga.

Natawa naman ng sobra ang dalaga dahil sa nakita niya, “O bakit?” tanong ng binata.

“Wala lang. Bawal na bang tumawa?” sumbat ng dalaga.

Lumipas ang ilang sandali, kalahati nalang sa araw ang nakikita nila. Sa madaling salita, malapit nang gumabi. Tahimik ang paligid, walang ibang maririnig kundi huni ng mga ibon. Hindi nagtagal, binasag ng binata ang katahimikan.

Nagkatinginan silang dalawa, “Shan, ano bang gusto mo sa isang lalaki?” sabi ni Jeth sa malumanay at seryosong boses.

Nabigla ang dalaga sa tanong ng binata kaya di agad siya nakasagot. “Ba-bakit mo natanong?” tanong ni Shan na may pagtataka pa rin.

Lumungkot bigla ang dalaga nang maalala niya si Tori at may kinalaman sa kanya ang tanong na ito ni Jeth. Pero di niya ito pinahalata sa kausap niya.

“Tama bang sagutin ng tanong ang tanong ko?” pasarcastic na tinanong ng binata.

Nalilito tuloy ang dalaga kung seryoso ba ang binata o hindi sa una niyang tanong.

“Bakit, bawal na ba sa panahong ito ang ganon?” sumbat ng dalaga kaya imbes na magseryosohan sila parang nagkakaroon pa yata ng tensyon sa pagitan ng dalawa.

Biglang tumayo ang binata, “Bwisit ka!” sabi niya.

“Lalo ka na,” sagot ng dalaga at tuluyan nang umalis si Jeth.

Gusto niyang pigilan sa pag-alis ang binata at humingi ng patawad dito pero hindi sapat ang kanyang lakas ng loob para gawin ito. Pangalawa, masyado naman yatang mababaw ang pinagmulan ng away nila kaya mas mabuti pang manahimik nalang siya at antaying humupa ang gulo.

Kinagabihan, nasa labas pa rin si Shan. Bumalik siya ng upo sa tapat ng veranda dahil tuluyan nang lumubog ang araw.

“Ulan, bumuhos ka. Nalulungkot ako. Kahit bagyo, okey lang. Di mo naman ako mababasa,” sabi ng dalaga.

Napaigtad ang dalaga dahil sa gulat nang may biglang magsalita sa likuran niya.

“Makasarili ka,”

Nalaman niya na si Jeth lang pala ito. Lumapit ang binata sa dalaga at muling naupo sa tabi nito. Napansin ng dalaga na hindi na wala na kay Jeth ang bulaklak.

“Bakit ka bumalik? Ang drama mo kanina. May nalalaman ka pang walk out. Alam mo bang girl na girl ang dating mo non?” sabi ng dalaga at bahagyang tumawa.

“Hindi lahat ng nagwawalk out, masama ang loob,” sumbat ng binata.

“So, anong purpose nung walk out mo kanina?”

“Wala. Bawal na bang magbanyo?”

“Sana di ka nalang bumalik. Masaya na ako dito kapiling ang mga halaman,” sabi ng dalaga at nag-acting na parang naluluha.

“Bumalik ako kasi namiss kita,” biglang sabi ng binata kaya nanigas ang dalaga.

Hindi makakilos si Shan dahil sa sinabi ng binata. Tila musika sa tenga niya ang sinabi nito. Todo kilig naman siya at kung pwede lang sana tumili sa harap ng kausap niya, kanina pa siguro niya ginawa.

Pero sa huli, tinuring nalang niyang biro ang sinabi nito. Alam niya ang ugali ng binata na may pagkakataon na hindi niya madistinguish kung nagsasabi ba ito ng totoo o hindi.

“OA na ‘yan ha,” sabi ng dalaga.

“Totoo. Tsaka, alam mo ba kung bakit umuwi ako ng maaga kanina? Kasi nag-alala ako sa ‘yo nung nalaman kong hindi ka sumama sa akin sa school,”

Hindi siya nakaimik. Lalo lang niyang ikinagulat ang pasabog na rebelasyon ni Jeth.

Napahinga ng malalim ang binata, “Alam mo kung bakit? Kasi napahiya ako kanina nung nakakuha ako ng mababa na score sa simpleng exam lang. Namiss talaga kita kasi wala ng nagdidikta ng mga answers. Feeling ko, malaking kawalan ka sa skwela ko,” sabi ng binata pero sa loob niya’y hindi naman talaga ganon ang ibig niyang sabihin.

Labis na nalungkot ang dalaga sa sinabi ng binata. Naisip niyang tama nga siguro ang kanyang instinct, malamang nagbibiro lang ang kanyang kausap. Aminado siyang medyo nasaktan siya sa sinabi ng binata kasi parang ganon lang ang habol nito sa kanya. Tinago niya ang nararamdaman niyang ito. Nagkunwari siyang hindi apektado sa mga sinabi ng binata.

“Aba. Kasalanan ko pa talaga? Para saan ang mata mo kung di ka naman marunong mangopya?”

“Kahit kailan wala ka talagang nasabing magandang advice. Akala ko pa naman tuturuan mo ako kung pano magreview ng tama,” sabi ng binata at nag-acting siya na parang nalulungkot.

Tinakpan ng binata ang mga mata niya. Sumilip siya sa pagitan ng mga daliri niya. Napansin ito ni Shan kaya agad siyang nabuking.

“Hala, huli ka! Best actor ka rin pala no,”

Niyakap ni Jeth ang mga tuhod niya dahil sa ginaw, “Hindi. Seryoso ako. Saka lang ulit ako nakatikim ng highest score nung last time na sumama ka sa ‘kin sa school,”

Napansin naman agad ni Shan na parang giniginaw ang binata.

“Halika pasok na tayo. Turuan nalang kita ng mga basic sa pagchecheat during examinations,” sabi ng dalaga para lang may masabi siyang dahilan para pumasok sila.

Pumasok na sila sa loob. Naiwan si Shan sa kwarto dahil kailangan pang maghapunan ni Jeth sa baba. Nandon pa rin sa kama ang laptop ng binata. Nangangati talaga ang mga kamay niya at sa isip niya, kung buhay pa sana siya ay kanina pa niya ito binuksan.

Pero isang bagay ang umagaw sa atensyon niya. Nakita niya sa study table ang tulip na pinitas ng binata kanina at nakalagay ito sa basong may lamang tubig. Napangiti siya ng todo sa nakita niya.

Napabuntong-hininga ulit siya. Tiningnan niya ang buong kwarto. Masaya siya dahil hindi lang sa maayos at malinis ito kundi dahil wala pa rin nagbago dito simula nung naging multo siya maliban nalang sa pagkakaposisyon ng kama at study table.

Pabalik-balik siyang naglakad sa buong kwarto dahil nandon pa rin sa isip niya ang mga sinabi ng binata sa kanya. Umaalingawngaw sa tenga niya ang boses nito. Kumbaga, mistulang nalast song syndrome siya sa mga sinabi ni Jeth.

Ngunit naiinis siya sa tuwing naiisip niya yung mga sumunod na sinabi Jeth kanina. Pero para sa kanya, hindi na yun mahalaga. Ayaw niyang mawala ang kaligayahang nararamdaman niya ngayon kaya di na niya ito inisip pa. Alam niyang masama ang umasa pero di niya ito alintana dahil sa isip niya naniniwala siyang may chance pa rin na magkatotoo ang mga sinabi ng binata kanina.

Nagulat nalang siya nang biglang magbukas ang pintuan. Nakatayo dito ang binata. May pagtataka sa mukha niya nang makitang pabalik-balik na naglalakad ang dalaga. Napatigil naman agad ang dalaga sa ginagawa niya.

Bahagyang natawa ang binata, “Anong nangyari sa ‘yo?” tanong niya.

Hindi niya sinagot ang binata at naupo nalang sa sahig habang yakap yakap ang mga tuhod niya. Lalong nagtaka ang binata nang mapansing nakatingin ito sa kawalan.

Tiningnan siya ng binata, “Ang weird mo ha,” sabi niya.

Hindi niya ulit sinagot ang binata at parang wala itong narinig. Ganon pa rin ang posisyon niya kaya lalo lang nalito si Jeth.

Humikab ang binata, “Matutulog na ako,” sabi niya sabay talon sa kama at mabilis na pinikit ang mga mata.

Nakatitig lang si Shan sa maamong mukha ng binata na payapang natutulog. Hindi nagtagal ay nilapitan niya ito at sa hindi niya alam na dahil ay bigla niya itong hinalikan sa labi.

Umatras siya sandali at napahawak sa labi niya. Kahit di niya ramdam ang labi ni Jeth, ramdam na ramdam naman niya ang bugso ng kanyang damdamin nang magtapat ang kanilang mga labi. Di niya mapigilang kiligin sa ginawa niya. Hindi niya ito natiis at napatili siya.

Muli siyang lumapit sa binata at marahang hinaplos ang noo nito.

“Sleep well, Jeth. Dadalawin kita mamaya sa panaginip mo,” sabi niya.

Mabilis niyang tinanggal ang kamay niya nang mapansing gumalaw si Jeth. Laking gulat niya nang makitang bumuka ang mga mata ng binata at tumingin ng diretso sa kanya na may ngiti pa sa labi.

“Narinig ko yun!”

--- END OF CHAPTER 9 ---

0 comments:

Post a Comment