Subscribe:

Pages

sunset

Tuesday, June 25, 2013

Suicide Letter Chapter 8

Chapter 8: Kailan Mo Ba Ako Liligawan (Special Chapter)

[Author’s Point Of View]

Palubog na ang araw at oras na para sa dismissal ng binata. Palabas na siya ng skwelahan nang may tumawag sa kanya.

“Jeth!” sigaw ng boses.

Lumingon agad ang binata sa likod at laking tuwa niya nang makita si Tori. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang makitang patungo ito sa kinaroroonan niya ngayon. Hindi mapakali ang binata at di niya alam kung anong gagawin niya.

“Jeth, sabay na tayo,” sabi ng dalaga.

Halos mahimatay ang binata sa binitawang matamis na ngiti ang dalaga. Gaya ng dati, wala pa rin pinagkaiba ang ugali at kinikilos niya sa tuwing nakikita niya ang dalaga. Hindi pa rin niya kayang tingnan sa mga mata nito si Tori.

“Tori, anong ginagawa mo dito? Di ba may klase ka sa school mo ngayon?” tanong ng binata.

Kausap niya ang dalaga pero mga mata niya’y hindi naman sa kanya nakatuon. Sa itsura ni Tori ngayon, parang nakakahalata na siya sa mga kinikilos ng binata.

“Nagcheck lang ako ng prospectus dito. Excited na talaga akong lumipat dito, Jeth. How I wish na matapos na ang sem na ‘to,” sabi ng dalaga sabay gigil.

Hindi alam ng dalawa na habang naglalakad sila, ay may nagmamasid sa kanila sa may di kalayuan.

“Ganon ba. Good for you,” tanging nasabi ng binata.

Diretso pa rin ang tingin niya. Hindi nagtagal, di na ito natiis ng dalaga kaya agad niyang tinanong ang binata. Nakakahiya man sa parte ng dalaga, pero lakas loob pa rin siyang gumawa ng paraan.

“Bakit di ka makatingin sa akin? May problema ba?”

Tumingin ang binata sa mga mata ng dalaga. Pinangunahan agad siya ng takot kaya wala pang limang sigundo napalihis siya ng tingin.

Napangiti nalang ang dalaga sa inasta ng binata. Sa loob niya’y kinikilig na siya at alam niya kung anong ibig sabihin ng mga kinikilos ng binata.

Napalunok muna ng laway ang dalaga bago siya nagsalita, “Jeth, kailan mo ba ako liligawan?”

Pareho silang nanigas. Pero sa loob ng binata, higit pa sa pagkabigla ang naramdaman niya matapos marinig ang sinabi ng dalaga. Hindi siya makagalaw at tila huminto ang oras sa pagitan nilang dalawa.

Ganon din ang pakiramdam ng dalaga. Pero sa isip niya, makabubuti sigurong huwag siyang umasa. Kaya hindi na inisip niya kung ano man ang isasagot sa kanya ng binata, ang mahalaga’y nasabi niya ito ng harap-harapan sa wakas.

Sasagot na sana si Jeth kaso may biglang sumulpot sa harap nila. Pareho silang napahinto sa paglalakad. Halos malaglag ang panga ng binata nang mamukhaan ang taong nasa harap nila.

“Si-shan, buhay ka!?” pasigaw na tinanong ni Jeth.

“Jeth, sino siya?” tanong ni Tori na may pagtataka sa mukha.

Hindi pinansin ng binata ang tanong ng dalaga. Sa mga sandaling ito, natuon ang atensyon niya kay Shan at hindi siya makapaniwala sa nakikita niya ngayon.

“Jeth, tama na ‘yan. Late ka na,” sabi ni Shan habang nakapamewang.

Lumapit si Jeth kay Shan at hinawakan ang magkabilang pisngi ng dalaga. Sa loob ng binata, halos tumalon sa tuwa ang puso niya nang malaman totoong buhay nga si Shan. Maingat niyang tinago itong nararamdaman niya at hindi niya ito pinahalata sa dalaga.

Samantala, gulat na gulat at dismayado naman si Tori sa nasaksihan niya. Hindi na siya nakatiis kaya nagwalk-out siya nang walang paalam.

Balewala lang sa dalawa ang ginawa ni Tori. Hawak pa rin ni Jeth ang mga pisngi ni Shan. Mabilis ang tibok ng puso nilang dalawa at sa loob nila’y walang mapaglagyan ang ligayang nararamdaman niya. Namumula ang pisngi ng dalaga at nahalata ito ng binata.

“Jeth, bitiwan mo na ang pisngi ko,” sabi ng dalaga kahit ang totoo’y gustong-gusto naman niya ang ginagawa ng binata.

“Shan, buhay ka nga. Pano nangyari ito, imposible! Hindi na ito mahalaga, ang importante buhay. Siyet, ang saya-saya ko, alam mo ba ‘yun?”

Halos sumabog na sa tuwa ang dalaga dahil sa sinabi ng binata sa kanya. Gustuhin man niyang manatili sila sa ganong posisyon pero naisip niyang hindi totoo ang lahat ng ito. Marahil ay dulot lang ito ng sobrang pagod ng binata kaya kung ano-ano na ang pinaggagawa niya sa sarili niyang panaginip. Nakakapanghinayang mang isipin pero kailangan na niyang gisingin ang binata dahil malalate ito kapag di niya ginawa iyon at ayaw niyang maging dahilan siya ng lahat ng kapalpakan sa eskwela ni Jeth.

“Jeth, late ka na!” sigaw ng dalaga.

Hindi binitawan ng binata ang pisngi ng dalaga at parang wala siyang narinig dahil pinangunahan agad siya ng kanyang damdamin. Sa halip ay nilapit niya ang kanyang mukha sa mukha ng dalaga.

Nagpupumiglas na si Shan pero sa loob niya, natutuwa siya sa ginagawa ng binata sa kanya. Samantala, nawalan naman ng kontrol sa sarili ang binata dahil sa labis at umaapaw na saya na nararamdaman niya sa ngayon. Kinakabahan ang dalaga dahil sa anumang oras, maaaring halikan siya ng binata.

Hindi nga nagkamali ang dalaga. Lalong bumilis ang tibok ng puso niya at parang mahihimatay na talaga siya sa sobrang tuwa.

Hahalikan na sana ng binata ang dalaga nang maalala ulit ni Shan na hindi totoo ang lahat ng ito. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at agad na sinuntok sa mukha ang binata.

Napabangon ng di oras ang binata, “Waaaaaahhhh,” sigaw niya pagkatapos mamulat sa katotohanan.

Laking gulat niya ng makita si Shan sa harap niya. Nagkunwari ang dalaga na walang alam sa nangyari.

Tinaasan siya ng kilay ni Shan, “Anyare sa ‘yo?”

Bumangon ang binata, “Buwisit. Ang sama ng panaginip ko. Tumabi ka nga!” sigaw niya.

Nagtaka ang dalaga sa inasta ng binata. Nainis at nalungkot din siya kasi ang tinuring niyang magandang panaginip ay bangungot pala para sa binata.

Hindi nakaimik ang dalaga. Nanatili namang tikom ang bibig ng binata tungkol sa pangyayaring naganap sa kanyang panaginip. Hinayaan lang niyang lumabas ng kwarto ang binata. Naupo siya sa sahig at napabuntong hininga. Ngayon niya napagtanto na mali pala ang manghimasok sa panaginip ng iba.

Samantala, masama pa rin ang loob ni Jeth dahil sa naudlot niyang panaginip. Pakiramdam kasi niya, parang totoo ang lahat ng nangyari.

Nagtungo siya ng banyo para manghilamos. Napatingin siya sa sarili niyang reflection sa salamin. “Buwisit na panaginip yun ha! Di man lang ako pinagbigyan,” sabi niya at padabog na hinila ang nakarolyong tissue paper.

Muli siyang napatingin sa salamin at inis na tiningnan ang sarili, “Buwisit. Bakit ba ako nagkakaganito sa isang panaginip lang?” sabi niya sabay tapik sa noo niya.

Ilang oras ang lumipas, natapos na sa kanyang morning routine ang binata at oras na para magpunta siya ng school.

Tiningnan niya ang orasan at nagulat siya dahil late na siya at ganito rin ang sinabi ni Shan sa kanyang panaginip.

Hindi na niya ito inisip pa. Lumabas na siya ng apartment at nagpunta sa may terminal para makapag-abang ng masasakyan.

Samantala, nagmumukmok naman ang dalaga sa kwarto. Namumula siya habang nakalagay sa mga pisngi niya ang kanyang mga kamay. Iniisip niya pa rin ang nangyari sa kanila ni Jeth sa panaginip nito. Pero napapalitan ng inis ang sayang nararamdaman sa tuwing naaalala niya ang sinabi ng binata sa kanya kanina.

Sumilip siya sa bintana at nakitang palabas na ng gate si Jeth. Nagdadalawang isip siya sa ngayon kung susundan ba niya ito o hindi. Ngunit sa huli, nagpadisisyunan niyang sundan ito.

Bandang alas otso nang huminto sa harap ng skwelahan ang sinasakyan ng binata. Late na siya ng twenty minutes kaya dali-dali siyang bumaba para habulin ang first class niya.

Napamura nalang siya ng madatnang nagqiquiz ang buong klase. Pagalit na inabot ng instructor ang test paper kay Jeth at naupo siya sa may likurang bahagi ng silid.

Napakamot ng ulo ang binata dahil kung di lang sana sila gumala ni Shan kahapon, malamang may sagot sana siya. Tanging stock knowledge nalang ang natitira niyang pag-asa sa ngayon.

“Kailangan mo ba ng tulong?” sabi ng isang pamilyar na boses at narinig pa niya itong tumili.

Inangat ng binata ang ulo niya sabay na pinakiramdaman ang paligid. Napakamot siya ng ulo dahil marahil nagdidiliryo lang siya at posibleng guni-guni lang niya ang lahat ng narinig niya.

“Kailangan mo ng tulong, right? ” Inangat muli ng binata ang ulo niya sabay lapag ng bolpen sa arm chair niya.

“Shan!?”

Naagaw niya ang atensyon ng lahat pati na rin ng kanilang instructor. Napatakip agad siya ng bibig at hiyang-hiya siya sa sarili niya sa mga sandaling ito.

“What is that Mr. Ricafuente?” tanong ng instructor.

Hindi niya sinagot ang instructor sa halip ay pinulot nalang niya ang bolpen niya at nagkunwaring may sinusulat sa test paper niya. Hindi na niya inisip kung naging bastos man siya o hindi sa paningin ng instructor, ang iniisip niya ngayon ay kung pano masagutan ang mga tanong sa test paper niyang kanina pa niya tinititigan.

Muli siyang nakarinig ng bulong at dito niya nakumpirma na si Shan nga itong nagsasalita.

“Jeth, keep quiet and behave. Baka maconfiscate ‘yang paper mo. Si Shan ‘to at I’m here to save you,” sabi ni Shan sabay tili.

Sumilip si Shan sa answer keys ng instructor. Wala pang isang minuto, bumalik siya sa tabi ng binata na may ngiti sa labi.

Si Shan ang nagsisilbing taga dikta ng sagot at walang ibang ginawa si Jeth kundi isulat ang lahat ng mga sinabi niya. Sa loob niya’y hindi niya nagugustuhan ang ginagawa ng dalaga pero wala na siyang magagawa pa dahil grades niya ang nakasalalay dito at dapat lang na ginagawa ito ni Shan dahil malaki ang utang na loob ng dalaga sa binata kahapon.

Natapos ang pasulit at diskusyon bandang alas onse. Mainit pa rin ang ulo ng binata hanggang sa mga sandaling ito. Hindi niya pinansin ang dalaga pero panay naman ang habol nito sa kanya.

Saka lang sumuko ang dalaga nang sumama si Jeth sa barkada nito. Naout of place siya nung subukan niyang sumama sa kanila kaya agad siyang humiwalay sa mga ito.

Pumasok na si Jeth sa second class niya. Nalungkot siya nang maramdamang hindi na niya kasama si Shan. Nadatnan niyang abala sa pagtalakay ang instructor. Kampante siyang pumasok dahil alam niyang dedma lang sa gurong ito ang mga late comers.

Matamlay siyang naupo sa silya. Kahit anong paliwanag ng instructor ay talagang di niya ito nakukuha. Malalim ang iniisip niya sa mga sandaling ito. At walang ibang laman ang utak niya kundi si Shan.

Speaking of Shan, nag-aantay lang siya sa may guard house ngayon at gaya ng nangyayari sa binata malalim din ang iniisip niya. Ilang oras din siyang naghintay don at paglipas ulit ng isang oras, dumating na ang kanyang pakay. Agad siyang nagtago at sinundan ng tingin ang binata.

Gustuhin man niyang magpakita pero nangingibabaw ang pangamba sa loob niya. Wala siyang ibang ginawa kundi magmasid sa binata. Hindi nagtagal, di niya namalayan na nakarating na pala sila sa may park.

Nadatnan ni Jeth ang kalaro at kapustahan niya sa chess na si Archie.

“Malungkot ka yata, bro. Anyare?” tanong ng kalaro niya.

“Wala, tumira ka na,” matamlay na sagot ng binata.

Habang naglalaro sila, nahagip ng tingin ni Jeth si Tori na naglalakad mag-isa at naka school uniform pa. Muling naantig si Jeth sa ganda ni Tori dahilan para magpatalo siya sa laro.

Sinakripisyo ni Jeth ang kanyang Queen na ikinabigla ng kalaro niya. Naisip ni Archie na may pinaplano ang kalaban niya kaya ilang minuto rin siyang nag-isip ng isasagot niyang tira.

Nainis si Jeth, hindi lang dahil sa tagal tumira ng kalaban niya kundi dahil nakita niyang habang tumagal lalong lumalayo sa paningin niya si Tori.

Muli siyang tumingin sa kalaban niya, “Bobo ka rin no!?” hinawakan ni Jeth ang queen ng kalaban at padabog na inalis sa pwesto ang sariling queen. “Ayan, checkmate ako,”

Nagulat si Archie sa inasta ng binata. Dumukot ng isang daan si Jeth sa pitaka niya at nilapag ito sa lamesa. Pasimpleng tumakbo si Jeth sa kinaroroonan ni Tori.

Lalong nalungkot si Shan sa nasaksihan niya. Huminga siya ng malalim at kahit ayaw niya, pinilit niyang sundan ang dalawa.

Mabagal kung maglakad ang dalawa at maingat namang sumusunod sa kanila ang dalagang si Shan.

Nagulat nalang si Shan at halos mabiyak ang kanyang puso nang marinig na nagsalita si Tori.

“Jeth, kailan mo ba ako liligawan?”

--- END OF CHAPTER 8 ---

0 comments:

Post a Comment