Subscribe:

Pages

sunset

Tuesday, June 25, 2013

The Cat Syndrome Chapter 1

DATE STARTED: June 15, 2013

Chapter 1: May Kinalaman Sa Pusa

Nasa kalagitnaan ako ng aking magandang panaginip nang bigla nalang akong magising ng di oras dahil---

"Ahhh... Aang init," sigaw ko nang magising ako sa katotohanan habang hinahahabol ang hininga ko.

May nagbuhos ng mainit na tubig sa paa ko. Naramdaman kong may nakatayo sa tabi ng higaan ko. Malamang siya yung nagbuhos. Medyo madilim pa ang paningin ko ng mga sandaling iyon kaya hinampas ko ng unan yung nasa tabi ko. Kumurap ako ng ilang beses at nakita si Ate Fay sa tabi ko na may hawak na maliit na takure sa isang kamay niya. Nanliit tuloy ako nang malamang siya pala ang may gawa. Para akong maamong tupa na ngumiti sa kanya pagkat parang nagsusuplada na naman siya.

"Loko ka talaga, Ate," pasigaw ngunit pabiro kong sinabi sa kanya.

Naupo siya sa may paanan ko at tiningnan ako ng masama. "Anong loko!? Ikaw nga ang nagsabi sa akin kahapon na kapag di ka nagising sa alarm clock mo ay bubuhusan kita ng mainit na tubig sa paa," napahawak siya sa noo niya. "Pambihira ka talaga Driel, palibhasa tulog mantika ka e," sermon ni Ate Fay habang nakapamewang.

Napakamot nalang ako ng ulo at saka ko lang napagtanto ang mga sinabi niya. "Oo nga pala. Kayo kasi e, wala naman akong sinabing pakuluan niyo ng husto yung tubig, hehe."

Inulit niya ang pagbuhos ng mainit na tubig kaya napabangon ako ng di oras sa higaan ko. Nagtatalon ako habang hawak-hawak ang isang paa ko na binuhusan niya ng mainit na tubig.

"Aray, may nasabi ba akong mali?" sabi ko nang medyo nawala na ang hapdi.

"Wala naman pero akala ko ba maaga ka ngayon?" tanong niya sabay taas ng kilay.

Napatingin ako sa wall clock ng kwarto ko at nakitang lampas alas otso na pala. Lagot, napagkasunduan pa naman namin nina Kean at Evey na magsasabay kami patungong school sa araw na ito. Sa di ko malamang dahilan, nasa harap na agad ako ng aparador ko sa isang iglap lang. Mahuli lang ako sa lahat ng appointment, huwag lang sa usapan namin nina Kean at Evey. Napaubo ako ng buksan ko ang aparador ko sa dami ng alikabok na naglabasan. Tiningnan ko si Ate Fay at natawa lang siya. Binalik ko ang atensyon ko sa aparador at namili ng mga damit na susuotin.

"Sinasabi ko na nga ba e, late ka na," narinig kong sinabi ni Ate.

"Hindi naman sa late, sina Evey at Kean kasi e, sabi nila magsasabay kami ngayon," sagot ko at mabilis na lumabas ng pintuan bitbit ang mga damit ko at isang tuwalya ngunit pagbukas ko nalaglag bigla ang doorknob sa sahig kaya natawa ako. Narinig ko si Ate na nagpipigil ng tawa at nang lumingon ako sa kanya saka lang siya tumawa ng wagas.

"Langhiya naman 'to oh, ipaayos niyo nga 'to," pabiro kong sinabi sabay tawa.

"Aba, nagsalita ang on time kung magbayad," sabi ni Ate na pinaparinggan ako.

"It's better late than never at tsaka at least wala akong utang dito no," sabi ko at kunwari umirap ako sa kanya.

Bumaba ako ng hagdananan, nakita ko si Kuya Ruben, nakakatandang kapatid ni Ate Fay na kasalukuyang nagbubukas ng maliit nilang botika. Napansin ko na nadagdagan na naman ng isa pang figurine na kulay gintong pusa na may gumagalaw na kamay sa may cashier's table nila. Pampaswerte daw ito sabi nila at kadalasan ko din itong nakikita sa ibang tindahan.

"Magandang umaga kuya," bati ko kay Kuya Ruben.

"Magandang umaga din sa 'yo Driel," sagot niya.

"Pang ilang figurine niyo na ba 'yan? Parang ginagawa niyo nang koleksyon yang mga 'yan ah. Naalala ko pa, kasing liit pa ng kamao yung unang nabili niyo, ngayon sing laki na ng tunay na pusa," sabi ko.

"Nasa attic ang iba pang pusa, gusto mong makita at mamangha?" sabi ni Kuya Ruben at humalaklak. Nawirduhan tuloy ako sa inasta niya.

"Siguro, next time pag di ako busy. Maliligo po muna ako," sabi ko at mabilis na nagtungo sa banyo nila sa baba.

"Mag-almusal ka muna," narinig kong sinigaw ni Kuya Ruben ngunit di na ako nakasagot dahil sa pagmamadali ko.

Naikuwento na ni Kuya Ruben sa akin ang kanyang mga pampaswerte sa buhay kabilang na doon yung mga kulay gintong pusang figurine kanina. Nakikinig lang ako sa kanya sa tuwing nagsasalita siya ng mga tungkol dito pero ni minsan hindi ako naniwala sa mga ito.

Kahit maliit pa lamang ang botika nina Kuya Ruben ay kitang kita naman ang paglago nito kahit papaano. Hindi ako naniniwala na dahil ito sa mga pampaswerte niya. Sa tatlong taon kong pagtira sa apartment kapiling nila, napansin ko na isa sa mga dahilan kung bakit marami ang bumibili sa botika nila ay dahil marami ang gustong masilayan si Ate Fay. Lalo na ang mga kalalakihan dito sa amin na kadalasan ay bumibili lang para makita at makausap si Ate Fay. Bihira lang kasi siya kung lumabas ng bahay. Si Kuya Ruben lang ang nakikita kong lumabas o kaya'y namamalengke sa amin.
Saka lang siya lumalabas pag kailangang kailangan na talaga.

Binubuo ng dalawang palapag ang bahay nina Ate Fay at Kuya Ruben. Sa itaas ay ang apartment na kung saan ako lang ang umuupa at sa baba naman ang maliit na botika nila na dating negosyo na ng pamilya nila. Ako lang ang umuupa sa sinasabing apartment nila dahil ako lang ang pinapayagan nila. Ewan ko ba kung anong pumasok sa mga utak nila pero ang alam ko masaya ako dito at ganon din sila. Halos magkakapamilya na rin ang turing namin sa isa't isa. Ngunit hindi ibig sabihin na close kaming tatlo ay libre na ang pagtira ko sa kanila. Siyempre, nagbabayad pa rin ako dahil may mga magulang pa naman ako na nagtutustos sa mga pangangailangan ko, yun nga lang, nasa malayong lugar sila.

Pagkatapos kong maligo, magtoothbrush, magbihis at lahat-lahat lumabas na akong bahay. May dumaan na traysikel ngunit hindi napansin nung driver ang pagpara ko. Hinabol ko pa yung traysikel para lang makasakay ako.
Habang nasa loob ako ng traysikel, bigla akong nakatanggap ng mga text galing kina Kean at Evey. Hindi lang isang text o dalawa kundi tinadtad nila ng text ang inbox ko.

"Driel, asan ka na? Kanina pa kami naghihintay dito. Walanghiya ka, malalagot ka talaga sa amin," basa ko sa isang text ni Evey.

"Hoy gunggong, pag di ka nakarating dito within twenty minutes after you receive this text, alam mo na ang mangyayari. Ipapahiya kita sa mga crush mo, mwahahaha," basa ko naman sa text ni Kean.

Kinilabutan bigla ako sa mga sumunod ko pang nabasa. Napatindig ang balahibo ko lalo na sa mga pambabanta ni Kean at parehong pagkakataon, natatawa din ako. Pero kilala ko sila, alam ko hanggang salita lang sila kaya tinawanan ko nalang ito.

Hindi pa rin nila ako tinatantanan ng text nila kaya pakiramdam ko mukhang seryoso na yata sila sa mga puntong ito.

"Manong, pwede niyo ho bang bilisan. Itodo niyo na po kung maaari lang sana. Dodoblehin ko po ang bayad, nagmamadali po kasi ako," walang alinlangan kong tinugon kay manong at pinaharurot naman agad niya ang traysikel. Nagkataon naman na ako lang ang pasahero niya kaya alam ko na sa simula palang di niya matatanggihan ang alok ko.

Bumaba ako ng traysikel nang makarating kami sa may park kinse minutos ang lumipas. Gaya ng pinangako ko kay manong, dinoble ko nga ang pamasahe ko. Nagpasalamat si manong at pinaharurot na niya ang traysikel niya.

Naghintay ako ng ilang minuto sa may parke katabi ng bantayog ni Bonifacio. Naiinip na naasar ang nararamdaman ko ngayon pagkat parang pinagloloko lang ako ng mga kaibigan ko. Chineck ko ulit ang oras at nakitang tama naman ito, pati ang oras ng pagkatanggap ko ng mga text nila.
Asan na kaya yung dalawang yun? Hindi naman siguro sila aalis ng wala ako. Sinubukan ko silang itext at wala pang dalawang minuto, nakatanggap agad ako ng mensahe galing kay Kean at dito ko lang natuklasan na tama nga ang iniisip ko, pinagloloko lang pala nila ako.

"Sorry pre, si Mama kasi e, ang tagal magbigay ng allowance. Kakabihis ko palang. Anyway, darating ako after ten minutes."

Muntik na akong bumagsak sa lupa dahil sa nabasa ko. Mga walang hiya talaga oh, ginogoodtime lang pala ako kanina.

Hindi nagtagal, nakita ko na sa malayo pa lang si Kean na paika-ika kung maglakad. Humihinto pa siya minsan at parang kinikiskis niya sa aspalto yung isang paa niya. Sinalubong ko agad siya at binatukan ng ilang beses.

"Tarantado ka, tinawag mo pa akong gunggong sa text kanina e kayo naman pala itong mga tarantado na pinagloloko ako," sabi ko.

"Ginawa lang namin yun kasi sa ating tatlo palagi ka nalang huli kung dumating kapag may usapan tayo. Inadvance lang namin para kahit papano, mauna ka naman," sabi niya ngunit binatukan ko siya.

"Aray, aray. Hirap na nga akong maglakad, ginaganyan mo pa ako."

Napatingin ako sa isang binti niya. "Oh ano namang nangyari diyan? Ah, alam ko na tol. Karma na 'yan, karma mo na 'yan," pang-aasar ko sa kanya.

"Anong karmang pinagsasabi mo? Nakaapak lang naman ako ng tae ng aso, karma na agad. Oh, asan na yung walang hiyang Evey na yun?"

Bigla nalang nagkabunggo ang ulo namin ni Kean. "Aray siyet," sigaw ko sabay himas sa noo ko at tiningnan namin kung sino ang may gawa non.

"Pinag-uusapan niyo ba ako? Loko kayo, kanina pa ako naghihintay dito. Nasira na nung araw itong make up ko tapos tatarantaduhin niyo lang pala ako?" nakapamewang na tanong sa amin ni Evey.

"Hala, wala akong kinalaman diyan. Itong si Kean ang sisihin mo. Siya itong late dumating."

Hindi naman nagtagal ang alitan naming tatlo. Pagkatapos naming malinis ang sapatos ni Kean, nagpunta na kaming School. Sinawsaw lang naman niya ang sapatos niya sa may fountain. Kaming dalawa ni Evey ang nagsilbing look out niya.

"Patingin nga ng Schedule niyo," sabi bigla ni Evey habang papasok kami ng gate.

"Bakit? Anong titingnan mo e halos magkakapareha lang naman ang sched natin," sabi ni Kean.

"Ibigay mo nalang kaya, kundi pupunitin ko yan," banta ni Evey at binigay naman ni Kean ang kopya ng sched niya.

"Ikaw Driel, gusto mong mapunit yang sa 'yo?"

"Oh, ayan," sabi ko at padabog na inabot sa kanya ang kopya ko.

Napahinto nalang kami sa paglalakad nang pahintuin kami ni Evey.

"Bakit?" tanong ko.

"Yang building na 'yan ay building 24 di ba?" tanong niya at tumango naman kami ni Kean.

"Ayon dito sa sched natin, nasa 5th floor ang room natin," sabi niya at tumango ulit kami.

Nagulat kami nang isampal niya sa mukha namin ang kopya ng sched namin at nakita naming bigla siyang tumakbo.

Lumingon siya ng bahagya sa amin. "Ang mahuhuli, magtitreat ng snack at lunch," narinig naming sinigaw niya kaya wala kaming nagawa kundi ang habulin siya.

Habang tumatakbo kami sa may open court, napalingon sa akin si Kean. "Driel, sintas mo," sabi niya sabay turo sa sapatos ko.

Napayuko ako at nakitang natanggal nga ang sintas ng isang sapatos ko. Habang nagtatali ako ng sintas ng sapatos ko, nakita ko sa may di kalayuan sina Evey at Kean na nasa loob na ng elevator at unti-unti na itong sumasara.

Wala akong choice kundi ang maghagdan nalang. Habang paakyat ako, pinipindot ko ang elevator sa bawat floor para magbukas ito at madelay ang pag-angat. Nakarating akong fifth floor na pawis na pawis at hingal na hingal. Hindi pa nagbubukas ang elevator kaya malamang ay nasa loob pa sila. Sa isip ko, tuwang tuwa ako pagkat akala siguro nila maiisahan na naman nila ako. Tiyak na mabubusog ako mamayang lunch sa treat nila. Kinuha ko ang kopya ng sched ko para makita ang room number ng subject namin ngayon. Nagpunta agad ako sa room na nakasaad sa sched ko at nung pumasok ako, tahimik at walang katao tao.

May bigla nalang pumasok at nakita kong si Kean pala ito. Nagulat pa siya nang makita ako. "Whoa, andiyan ka na pala? Pano ka nakarating ng ganyan kabilis dito? Ikaw siguro yung nagpipindot ng elevator sa bawat floor kanina, ano?" tanong niya at nginitian ko lang siya.

"Akala niyo siguro maiisahan niyo na naman ako. So, pano Kean, kayo naman ang kakawawain ko mamayang lunch," sabi ko sabay tawa ng nakakaloko.

Napansin ko siyang nakatingin lang sa buong paligid. "Ba't wala pang tao? Lagpas na sa alas nuebe," reklamo ni Kean.

"Haay Kean, konting tiis lang. Baka nastranded lang yung ibang kaklase natin," sabi ko.

"Saan na ba si Eve?" tanong niya.

"Ewan ko, kayo ang magkasama kanina di ba?"

"Oo, pero nung lumabas kami ng elevator, nakipaghabulan ako sa kanya at nung kinuha ko sa wallet ko 'tong sched ko, bigla nalang siyang nawala. Ang lupit din niya, may lahing ninja."

Bigla akong napatayo sa kinauupuan ko na ikinagulat ni Kean, "Hindi kaya!?" sabi ko.

"Hindi kaya ano?"

"Hindi kaya naloko niya tayo?" sabi ko at tumakbo palabas ng silid.

"Oy, saan ka pupunta?" narinig kong sinigaw ni Kean.

Paglabas ko, sumunod sa akin si Kean. Tiningnan ko ang kopya ng sched ko at ngayon ko lang napansin at natuklasan na ginawang 8 ang 3 sa 103.
Bigla akong nadismaya pagkat nalinlang na naman kami ni Evey.

"Hey boys," nakarinig kami ng sigaw at hinanap kung saan ito.

Nakita namin sa kabilang corridor si Eve na napakalaki ng ngiti habang masiglang kumakaway sa amin. Pinandilatan niya kami nang lumapit kami sa kanya.

"Ang daya mo Eve, hindi ka dapat namin itreat ng lunch at snack," sabi ni Kean.

Hinampas ni Evey si Kean ng shoulder bag niya. "Anong daya? Technique yun, hindi yun pandaraya. Pambihira kayo oh, ang tatanga niyo kasi e," sabi niya sabay tawa. "Kaya sa ayaw man o sa gusto niyo lalo ka na Kean, ititreat niyo ako mamaya," hirit pa niya habang isa-isa kaming tinuro at ngumiting demonyo.

Napabuntong-hininga nalang kami ni Kean. Napansin ko pang napasilip siya sa kanyang pitaka kaya natawa ako ng konti.

"Ano bang tinatawa-tawa mo diyan pre. Palagi nalang tayong naiisahan ni Eve. Parang mas gusto mo pa yatang palagi mo siyang nililibre, uyy," bulong at tukso ni Kean sa akin.

"Wala. Nakakatawa ka lang," sabi ko sabay tawa sa kanya.

Pumasok na kami ng classroom at nakitang di pa dumadating ang instructor namin. Maingay sa loob na animo'y matagal nang magkakilala ang lahat ng mga estudyanteng nandito. Kaliwa't kanan ang murahan at tawanan. May nagbabatuhan pa ng kung ano-ano.

"Party party, whoo," sigaw ni Kean sabay wagayway ng bimpo niya na parang sirang ulo.

Naagaw niya ang atensyon ng lahat at sumunod na nakita ko ay pinagbabato na siya ng papel at libro ng mga kaklase namin. Mabuti nalang at may malapit na table kaya agad siyang nakapagtago. Naupo nalang ako sa may sulok at halos sumakit na ang tiyan ko kakatawa sa nananaganap ngayon dito.

Napansin kong nasa labas pa rin si Evey. Hindi ko pa siya nakikitang pumasok ng classroom simula kanina pa. Lumabas ako at ginulat ko siya.

Napakapit bigla siya sa braso ko dahil muntik ko na siyang matulak sa may railings, "Ay, anak ng tae ka Driel," sigaw niya.

"Sinong inaantay mo dito sa labas?" tanong ko at tinabihan ko siya.

"Eeesh, gusto ko nang magshift ng course. Nanririndi ako, nananayo ang mga balahibo kapag pumasok ako sa classroom na 'yan, eesh. Tingnan mo nga sila, pang college ba ang ganyang ugali? Ayoko na talaga," sabi niya at niyakap ang kanyang sarili.

"Kung makaeeesh ka parang di ka sanay sa amin ni Kean. Ikaw pa nga ang naghamon sa amin ng course na 'to, remember?"

"Oo, sira ulo nga kayo pero ibahin mo sila. Atleast kayo, kahit may sayad kayo kaibigan ko naman kayo at alam ko may good side din kayo, di ba?" Sabi niya at siniko lang niya ako ngunit di ako kumibo. "Di ba?" tanong niya ulit.

Naagaw nalang bigla ang atensyon namin nang nakarinig bigla kami ng hiyawan sa loob ng classroom at di kalauna'y naglabasan bigla ang mga kaklase namin.

"Di na darating si Ma'am!! Thirty minutes na siyang late, whohoho," paulol na sigaw ng isang kaklase namin na mukhang asong ulol.

"Dota! Dota! Dota!" sigaw ng isang grupo ng kalalakihan na kakalabas lang ng classroom.

Sumapit na ang tanghali, nandito kaming dalawa ni Kean sa may cafeteria. Inaantay namin si Evey ngayon pagkat may klase pa daw siya na 12:30PM matatapos. May mga subjects kasi siya na hindi muna namin kinuha ni Kean.

"Ang tagal naman non," sabi ko habang tinatapik tapik ang lamesa.

"Dapat nga magpasalamat ka, wala kang malilibre," sabi ni Kean.

"Di kasi ako sanay na wala yun tuwing lunch. Walang nagsusungit, walang nagmamagaling," sabi ko.

"Oh, ayan na pala siya at may---" sabi ni Kean sabay turo sa may likuran ko.

"May ano?" tanong ko.

"May kasama siya," sagot ni Kean na nanlaki pa ang mga mata.

Lilingon sana ako kaso pinigilan ako bigla ni Kean. "Teka pare, huwag kang lilingon."

"Bakit pare?" tanong ko.

"Di ba allergic ka sa magaganda?"

Nawirduhan tuloy ako sa sinabi niya. "Huh? Allergic? Anong pinagsasabi mo?"

"Wala, joke lang. Sige na, pwede ka nang lumingon," sabi ni Kean kaya medyo naguguluhan ako sa mga pinagsasabi niya.

Paglingon ko, halos mapatayo ako sa gulat nang makitang nasa tabi ko na pala sila. Tumawa si Kean pati na rin yung babaeng kasama ni Evey.
Naupo si Evey sa tapat ko at doon naman sa tapat ni Kean naupo yung kasama niya.

Nagkatinginan kami ni Evey. "Oh, asan na ang lunch namin?"

Tiningnan ko yung babaeng kasama niya tapos binalik ko ulit ang tingin ko kay Evey.

"Ah Fleur, ito nga pala sina B1 este Adriel at Kean. Mga engot kong friends since high school pero itong si Adriel naging classmate ko siya noong elementary. Matalino 'to sa umpisa noong high school pero..."

"Pero ngayon matalino at gwapo pa rin," hirit ko at di nakaimik si Evey.

Maya-maya lang, nagbulungan silang dalawa at nakita kong nakatingin sila sa akin pareho tapos tumawa.
Tiningnan ko lang sila ng masama pagkat di ko maintindihan kung anong nakakatawa sa akin.

"Ito nga pala si Fleur, classmate ko sa PHYS10a pero magiging classmate naman natin siya sa ENG10," dagdag ni Evey.

"Kean, pumila ka na. Itong pera, libre natin sila di ba?"
sabi ko sabay abot ng pera ko kay Keab ngunit umangal siya.

"Naman oh. Ang haba ng pila tapos pagpipilahin mo ako?" reklamo niya.

Nakita kong biglang siniko ni Fleur si Eve. "Sis, did I hear it right? Ililibre nila tayo?" narinig kong sinabi niya sabay tawa at nakitawa na rin si Evey.

"Nagpaligsahan kasi kami kanina, ang matatalo siyang magtitreat ng lunch. Ayon, tatanga tanga kasi yung dalawa kaya sila itong manglilibre ngayon," sabi ni Evey at nagtawanan silang dalawa.

Hindi kami makasumbat ni Kean. Ewan ko ba kung bakit, wala naman sa dugo namin ang pagiging gentleman sa mga babae. Bahala na nga lang sila sa buhay nila.

"Hoy kayong dalawa huwag nga kayong mag-away diyan. Mas mabuti pang kayong dalawa nalang ang pumila," sigaw ni Evey at nagkatinginan kami bigla ni Kean.

Sa huli, wala kaming nagawa kundi sundin ang sinabi no Evey. Tumayo na kami para pumila na sana kaso may biglang tumawag sa amin.

"Hey, mineral water nalang pala yung sa kin. Ayoko ng softdrinks," narinig kong sinabi ni Fleur at nakita kong nagthumb up si Evey sa kanya. Napabuntong hininga nalang ako, akala mo kung sinong makautos.

Siniko ako ni Kean, "Pare, buti ka pa pinansin niya," bulong niya habang nasa pila na kami.

"Eesh, ano naman ngayon?" tanong ko pagkat naiirita na ako kay Kean.

Bumalik kami na may dala-dalang tray. Dala ko yung tray ko at nung kay Fleur. Nung naupo na kami, nakita kong naglabas ng isang tumbler si Evey sa kanyang bag at yung istura niya halos di maipinta. Nagtawanan nalang kami ni Kean ngunit nang titigan niya kami ng masama ay natahimik kami.

"Eesh, what the? Kaya pala ang bigat nitong bag ko? Si Kuya na naman, eeesh."

"Eve, wala bang kasamang lunch box?" pang-aasar ni Kean.

Tinatawanan ko nalang sila. Hindi kaluna'y bigla akong umeksena sa harap nila.

"Hep hep, dahil may bagong salta. Alam mo bang may ritwal kaming pinapagawa upang maging ganap kang kasapi ng grupo namin," sabi ko kay Fleur ngunit tinaasan lang niya ako ng kilay. "Buksan mo ito in one hand," sabi ko na tinutukoy ang tumbler ni Evey.

Nakita kong siniko ni Evey si Fleur, "Huwag kang maniwala sa engot na 'yan," sabi niya at nagtawanan silang dalawa.

Tumayo ako at kinuha kay Evey ang tumbler niya. "Alam mo bang kapag kiniskis mo itong mahiwagang tumbler ni Evey, lalabas ang mahiwagang genie?" sabi ko sabay tawa ng nakakaloko.

Natahimik bigla sila habang nakatitig sa akin. Blangko ang ekspresyon ng mga mukha nila at halatang di sila natawa sa biro ko. Tiningnan ko si Fleur ngunit tinaasan niya lang ako ng kilay.

"Akin na nga 'yan," sabi ni Evey sabay agaw nung tumbler niya sa akin.

"Hindi ba nakakatawa yung joke ko? Kahit konti lang, matawa naman kayo," sabi ko at tiningnan ko si Kean na abala sa pagkain.

"Saka lang ba kayo matatawa kapag napahiya ako?" sabi ko at di sila umimik.

Uupo na sana ako kaso walang akong naramdamang upuan kaya sa kasamaang palad napaupo ako sa sahig. Nagtawanan ang lahat ng nasa loob ng cafeteria ngunit pumaibabaw ang tawanan nina Evey, Kean at Fleur. Hiyang hiya ako ngayon sa sarili ko sa mga sandaling ito. Nalaman kong hinila pala ni Kean ang upuan ko nung paupo na sana ako kaya binatukan ko siya ng ilang beses.

Nung natauhan na ang lahat. Bumalik na ako sa pagkakaupo. This time, siniguro ko nang walang manghihila ng upuan at baka mapahiya na naman ulit ako. Ibinaling ko nalang ang atensyon ko sa pagkain.

Hindi kalauna'y nagkwentuhan nalang sila habang kumakain kami. Ngunit kapag ako na ang umeentrada, napansin kong di sila nakikinig sa akin tapos yung si Fleur parang pikon pa yata sa akin.
Napakakilljoy nila sa totoo lang.

Mabilis na natapos sa pagkain si Fleur at biruin mo medyo matakaw din pala siya. Habang kumakain pa ako, napansin kong parang may umaapak at sumisipa sa mga paa ko sa ilalim ng lamesa. May mahabang table cloth ang lamesa kaya di ko makita kung sino ang gumawa non. Tiningnan ko si Evey na nakangiti sa akin. Gumanti ako ng sipa at apak, nagsisipaan at nag-aapakan kami ng paa sa ilalim ng lamesa habang kumakain kami. Hindi nagtagal, di na ako nakakaconcentrate sa pagkain at ang nakakainis pa may konting ketchup na tumapon sa damit ko dahil sa pinaggagagwa ni Evey. Tawa ng tawa siya sa ginawa niya na parang nasisiraan ng bait. Hindi na ako nakatiis at balak ko na talagang apakan ng buong lakas yung paa niya. Sa di inaasahang pangyayari, narinig naming umaray si Fleur.

"Araaaay!!" sigaw niya sabay nilihis ang table cloth sa ilalim ng lamesa at nakita niya sigurong nakataas ng bahagya ang isang paa ko.

Laking gulat ko nang tingnan niya ako ng masama. Napansin kong tiningnan din nila Kean at Evey ang ilalim ng lamesa. Hindi ko pa nga nagagawa, napaaray na siya. Napakamot nalang ako ng ulo sa nangyari.

Nagulat kami nang tumayo siya at kinuha ang bag niya. Mabilis siyang lumabas ng cafeteria na halatang galit sa akin.

"Uy, Fleur," sigaw ni Evey ngunit hindi na ito narinig ni Fleur pagkat nakalayo na siya.

Tiningnan ako ng masama ni Evey at mukhang ako pa yata ang mapagbibintangan. "Driel!?!"

Bigla akong ninerbiyos kahit alam ko sa loob ko na hindi naman ako ang may gawa non.

"Hindi ako 'yun. Kunwari ka pa e, pinapasa mo lang sa akin yung kasalanan mo," sabi ko kay Evey.

Hinampas niya ako ng tinidor na hawak niya, "Anong pinagsasabi mo diyan, ha? Pinagbibintangan mo ako, ha? Nakita ko nakataas yung paa mo kanina. Akala mo makakalusot ka pa dito sa dalawang mata ko!" sigaw ni Evey.

"Yun na nga e, nagulat nalang ako dahil di ko pa nga nagagawa napaaray na agad siya. Nagsasabi ako ng totoo. Kung may CCTV lang sana sa ilalim ng lamesa makikita niyong di talaga ako ang may gawa non," sumbat ko at mabilis ko naman siyang nakumbinsi.

Napatingin kami kay Kean. "Oh? Ba't sa akin kayo nakatingin? Malay ko ba sa pinaggagawa niyo. Gulat nga ako nang biglang magwalk-out yun."

"Kung hindi ako, hindi ikaw at hindi ikaw. In short, wala sa atin ang may kasalanan, maliban nalang kung may nagsisinungaling sa atin," hirit ko.

"Kung ganon, e di sino!?!" sabay-sabay naming nabigkas.

0 comments:

Post a Comment