Subscribe:

Pages

sunset

Tuesday, June 25, 2013

Near To Death Experience (Short Story)

100% Fictional

--------------------------------

Nangyari ito ika-14 ng Disyembre taong 1975. Hindi binanggit sa kwentong ito ang pangalan ng may akda at ang lugar na pinangyarihan nito sa hindi matukoy na dahilan.

Matagal na panahon na ang lumipas at halos limot ko na ang bawat detalye ng karanasang iyon. Ngunit may mga bagay pa rin na tumatak sa isipan ko tungkol sa napagdaanan ko at ito ang ilalahad ko sa inyo.

Bandang ala-una ng madaling araw nang maghiwa-hiwalay ang landas naming magkakatropa. Galing kami sa inuman ng gabing iyon. Ako lang ang hindi masyadong nakainom, dahil nahuli ako ng dating at isang bote nalang ang naabutan ko. Tomado na ang lahat maliban sa akin. Sa nakikita ko, parang ako nalang yata ang nasa wastong kondisyon ng mga oras na iyon.

Nakasabay ko si Marc na siyang pinakamalakas uminom sa aming grupo. Paika-ika siya kung maglakad at sa tingin ko, anumang oras e babagsak na siya sa lupa. Inalalayan ko siya hanggang sa dulo ng eskinita. Iniwan ko siya sa harap ng auto-repair shop na pag-aari ng kanyang Tito pagkatapos ay bumalik ako sa madilim at makipot na eskinita. Marami pa itong pasikot-sikot kaya natagalan pa bago ko narating ang highway.

Malinis at tahimik ang daan ng mga oras na iyon. Inaasahan ko na ganon ang madadatnan ko kasi madaling araw na at natural lang na wala na masyadong sasakyang dumaraan.

Habang nag-aantay, nahuli ko ang grupo ng kabataan na nagvavandal sa pader ng gusaling nasa kabilang kalsada. Wala silang kamalay-malay sa pagdating ko dahil na rin sa basag ang bombilya ng kalapit na street light. Pero sa totoo lang, wala naman akong pakialam sa kanila, hindi ko naman trabaho ang manghuli ng masasamang loob. Alam kong obligasyon ito ng mga tanod at pulis.

Ilang minuto na rin ang lumipas, wala ni isang pampasaherong sasakyan ang dumaan. Merong isang bus na dumaan pero iba ang rutang tinatahak nito.

Alam kong malapit lang mula sa kinaroroonan ko ang terminal ng jeep kaya naisipan kong lakarin ito. Hanggang sa hindi ko namalayan na napadpad na pala ako sa madilim na bahagi ng avenue. Walang ilaw ang mga poste, patay din ang mga ilaw ng mga gusali at bahay sa paligid. Masyadong tahimik. Nananayo ang mga balahibo ko sa lamig ng paligid.

Umagaw sa atensyon ko ang isang kulay maroon na van na nakaparada sa pagitan ng dalawang malaking gusali. Walang akong inaksayang panahon at kaagad na lumapit sa nakaparadang sasakyan. Gumaan ang pakiramdam ko nang makitang may nakatatak na ruta malapit sa may bumper nito na ibig sabihin lang ay tumatanggap ito ng mga pasahero. Sa lugar kasi namin, uso ang mga pampasadang van na madalas sakyan ng mga pasaherong malalayo ang pupuntahan at iyon ding ayaw magbus. Alam kong may tao sa loob dahil naririnig ko ang ugong ng makina nito.

Binuksan ko kaagad ang pintuan ng backseat. Tatlo silang mga lalaki sa loob na hindi ko masyadong maaninag. Kasama na doon ang driver at napansin kong silang lahat ay nakatingin sa akin.

Naupo ako sa tabi nung isang lalaki. "Diyan lang po sa sentro ng kasunod na lungsod," ang sabi ko sa driver ngunit hindi ito kumibo.

Isa-isa ko silang tiningnan. Malamang pasahero din niya iyong dalawang lalaking kasama namin sa loob. Medyo kulot ang buhok ng tsuper at may nakasampay na bimpo sa kanang balikat niya. Yung lalaking nasa frontseat nama'y di ko maaninag ang mukha pero alam kong nakashades ito at nakasuot ng itim na jacket. Samatala yung katabi kong lalaki naman ay medyo may pagkakalbo, may manipis na bigote at may hikaw sa kaliwang tenga nito. Napansin ko rin na may malaking bag sa likuran namin pero sa isip ko, malamang pag-aari ito ng isa sa mga lalaki.

Pinaandar ng driver ang van. Mabagal siya magmaneho kaya medyo nainip ako. Habang nasa kalagitnaan ng biyahe, naaninag ko sa interior rear view mirror iyong bag na nasa likuran namin. Nagulat ako nang marinig at makitang gumalaw ito. At sa mga sandali ding iyon, di ko namalayan na lumagpas na pala kami sa lugar na dapat kong babaan. Pumara ako pero parang walang narinig yung driver.

"Manong, para ho! Lumagpas na po tayo!" sigaw ko sa pag-aakalang di niya narinig yung una kong sinabi.

Umagaw ulit sa atensyon ko yung bag. Narinig ko ulit ito na gumalaw at sa loob ko'y di na maipagkakaila ang kilabot na nararamdaman ko.

Sinigawan ko ulit si manong pero ganon pa rin. Sigaw ako ng sigaw sa loob ngunit wala akong nakitang reaksyon galing sa kanila. Hinawakan ko sa balikat si manong sabay sigaw sa mukha niya pero di pa rin siya natinag. Tiningnan ko yung dalawang lalaki at napansin kong parang wala lang din sa kanila itong pag-iingay ko. Sumama ang kutob ko at nagsimula na akong kabahan dahil posibleng hindi sila mabubuting tao.

Napunta ang atensyon ko sa bag nang muli itong gumalaw. Naguguluhan ako sa mga oras na iyon. Hindi ko alam kong anong gagawin ko.

Nakita ko ulit sa rear view mirror na gumalaw iyong bag. Tiningnan ko ang lalaking katabi ko at parang wala lang ito sa kanya. Hindi ko na natiis kaya napalingon ako dito at halos himatayin ako sa gulat nang makitang may nakalabas na kamay sa zipper nito. Gumagalaw ito at parang pilit kumakawala. Pinilit kong maging kalmado. Ayokong mahalata nila na nagpapanic na ako.

Binalik kong muli ang tingin ko sa harap. Paglingon ko, tumambad sa mukha ko ang dulo ng baril na nakatutok ng diretso sa noo ko. Nanigas ako sa sobrang gulat. Isa itong semi-automatic pistol kaya isang hila lang ng gatilyo ay siguradong tigok ako. Nginitian ako nung lalaking nasa frontseat na siyang may hawak na baril. Napansin ko din iyong lalaking katabi ko na sinarado iyong zipper ng bag.

Pasimple akong sumulyap sa katabi ko dahil napansin kong parang may pinagkakaabalahan siya. Nakita kong tinatanggal niya sa pagkakabuhol yung manipis na lubid. Pagkatapos ay tinalian niya ang mga kamay ko. Wala akong nagawa kundi ang magpaubaya dahil nakatutok pa rin sa noo ko iyong baril nung lalaking nasa frontseat.

Nagpatuloy lang sa pagmaneho ang driver. Malayo na ang narating namin at sa tingin ko nakalabas na kami ng siyudad ng mga sandaling iyon. Sa palagay ko, nasa panglimang lungsod na kami ng lalawigang ito. Wala masyadong nakatirik na bahay at panay puno at bakanteng lupa ang matatagpuan dito.

Narinig kong tumawa yung dalawang lalaki. Nagsalita yung isa ngunit di ko naman maintindihan ang paksa ng pinag-uusapan nila. Napansin kong hindi sumasali ang driver sa tuwing may pinag-uusapan sila kaya sa palagay ko ay biktima din ito.

Ngayon ko lang narinig ang boses ng dalawang lalaki. Nakakapagtaka dahil saka lang sila nagsalita pagkatapos kong malaman na masasamang tao pala sila. Naninibago ako dahil kailan lang sobrang tahimik nila at aakalain mo talagang di nila kilala ang isa't isa pero heto't nagtatawanan na para bang matagal na silang magkasabwat sa gawaing ito.

Gumalaw ulit ang bag ngunit bigla itong sinuntok nung lalaking katabi ko kaya hindi na ito nakakilos pagkatapos.

Madilim na ang buong paligid. Kinikilabutan ako sa dilim na nakikita ko sa labas. Iba ang tanawin dito sa nakasanayan ko sa lungsod. Hindi na konkreto ang kalsadang dinadaanan ng van at minsan nauumpog ang ulo ko dahil sa daang lubak-lubak. Wala akong ibang makita maliban sa mga puno ng saging. Malamang isa itong banana plantation. Malawak ang buong lugar at sa tingin ko higit pa sa sampung ektarya ang kabuuang sukat nito.

Pinarada ng driver ang van sa tapat ng isang malaking warehouse. Naunang bumaba yung dalawang kahinahinalang lalaki. Buhat pa nung isa iyong malaking bag samantalang sunod sunuran naman sa isang lalaki iyong driver.

Nanlalamig ang buong katawan ko ng mga oras na iyon. Binuksan nung lalaking nakajacket yung pintuan. Nagmatigas ako. Bigla niya akong sinikmuraan kaya napilitan akong bumaba. Wala akong nagawa kundi ang sumunod kahit labag man sa kalooban ko. Tiniis ko iyong sakit ng pagkakasuntok niya sa sikmura ko.

"Kahit sumigaw ka pa, walang makakarinig sa 'yo," bulong ng lalaking kalbo sa medyo pagaralgal na boses.

Gawa sa pinagdikit dikit na yero ang bakod ng warehouse. Maliban sa van, may nakita pa akong ibang nakaparadang sasakyan. Karamihan sa mga ito ay may nakatatak na pangalan ng pulitiko. Iisang pangalan at apilyido at marahil ito ang may-ari ng tanimang ito. Bukod pa doon, mayroon din akong nakitang lalaking nagkukumpuni. Abala siya sa pagbubura ng pangalan nung pulitiko gamit ang isang spray paint.

Nagulat ako nang pakawalan ng isang lalaki yung mamang tsuper. Kumaripas ito ng takbo patungo sa taniman ng mga saging. Nagulat nalang ako ng itutok ng lalaki ang kanyang baril sa tumatakbong tsuper at nasaksihan mismo ng dalawang mata ko kung pano nito pinaputukan sa ulo iyong kawawang tsuper.

Nanigas ako sa nasaksihan ko. Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ko. Malaki ang pangamba ko na baka gawin din nila sa akin iyong ginawa nila sa tsuper.

Hindi maalis ang titig ko sa nakahadusay na katawan ng matandang tsuper sa may di kalayuan. Nakakaawa talagang tingnan. Parang biglang kumulo ang dugo ko sa ginawa nila.

Hinila nila ako papasok ng warehouse. Kinakaladkad naman nung isa yung malaking bag. Mahigpit ang pagkakahawak ng isang lalaki sa batok ko kaya hirap akong gumalaw.

Nadatnan namin sa loob ang panibagong grupo ng mga lalaki. Tatlo sa kanila ay naglalaro ng billiard habang iyong dalawa naman ay may ibang pinagkakaabalahan na hindi ko alam.

Isang flourescent lamp lang ang nagbibigay ilaw sa buong silid. Sa isang sulok ay may isang malaking vault at katabi nito ang isang refrigerator.

Napatigil sa paglalaro ang tatlong lalaki at napatingin sa amin. Samantala yung dalawa ay di pa rin natinag sa ginagawa nila. Blangko talaga ang isipan ko sa nais nilang gawin sa akin.

Binitiwan ng lalaki ang batok ko at itinulak ako sa sahig. Napasubsob ang mukha ko dito kaya nalasahan ko yung mga alikabok. Nahirapan ako sa pagtayo pagkat nakatali ang dalawa kong kamay.

Inangat ko ang ulo ko at nakita kong dali-dali nilinis nung tatlong lalaki yung billiard table. Binuhat ng bagong dating ang malaking bag at nilapag sa billiard table.

Binuksan ang zipper at nagulat nang makita ko ang isang babae na nagpupumiglas na siyang laman pala ng bag.

Nagulat ulit ako nang punitin nung isang lalaki ang damit nito. Hindi makasigaw ang babae dahil nakatape ang bibig nito. Nagsimula nang gumawa ng kahalayan yung mga lalaki. Walang nagawa ang kawawang babae kundi ang umiyak ng umiyak.

"Huwag niyong gawin 'yan! Maawa kayo sa babae!" sigaw ko na may halong pagmumura pa ngunit parang wala silang narinig.

Naawa ako sa babae at kung hindi pa sana nakatali itong mga kamay ko ay kanina ko pa sinunggaban itong mga lalaki ngayon. Masasabi ko talagang wala silang kasing sama. Kumukulo ang dugo ko sa pinaggagawa nila at sa parehong pagkakataon ay kinakabahan din ako sa maari nilang gawin sa akin.

Pinikit ko nalang ang mga mata ko dahil hindi ko na nakayanan ang mga sumunod na nasaksihan ko.

Umalingawngaw sa tenga ko ang ungol at tawanan ng mga lalaki. Nanatili akong nakapikit hanggang sa may biglang humablot sa akin. Tiningnan ko kung sino ito at nakitang siya iyong lalaking abala sa pagtutunaw ng bato kanina.

Hinawakan niya ang t-shirt ko. Kinaladkad niya ako. Mahapdi ang mukha ko dahil minsan sumasayad sa sahig ang noo at pisngi ko. Ganon din ang sinapit ng mga tuhod at braso ko.

Lumala ang hapding naramdaman ko nang bumaba kami sa basement. Minsan ay nauumpog pa ang noo ko nung pababa kami ng hagdanan.

Madilim at mainit sa basement. Sinindi niya ang lighter niya. Tinapat niya ang apoy nito sa iba't ibang parte ng silid. Kinaladkad niya ako malapit sa may bakal na pintuan. Kumuha siya ng susi at binuksan ito. Sumalubong sa amin ang isang masangsang na amoy. Nakita kong napatakip ng ilong yung lalaki sa tindi ng amoy. Dahil nakatali ang mga kamay ko, sinubsob ko nalang ang mukha ko sa sahig.

Tinulak niya ako papasok sa loob gamit ang paa niya. Madilim sa loob at parang nakakatakot pumasok. Talagang kikilabutan ka. Nagmatigas ako, sino ba naman ang may gustong pumasok sa nakakatakot at nangangamoy na silid. Hanggang sa isang malakas na sipa ang natanggap ko sa tagiliran. Nagpagulong gulong ako hanggang sa tuluyan na akong nakapasok sa loob.

"Mabulok ka diyan!" narinig kong sinigaw ng lalaki pagkatapos ay mabilis na sinarado ang bakal na pintuan.

Madilim, mainit, mabantot at tahimik sa loob. Hindi ko maaninag ang paligid kasi walang pinagkaiba ang kadilimang ito sa kadilimang makikita mo kapag pumikit ka.

Sinubsob kong muli ang mukha ko. Sobrang bantot talaga na tila ba may kung anong nabubulok sa loob.
Sa mga oras na iyon, nag-iisip ako kung pano ko matatanggal itong tali sa mga kamay ko. Pinigilan ko ang paghinga ko at kinagat ng buong lakas ang tali. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at hindi naman ako nabigo.

Kinuha ko ang panyo ko at itinakip sa ilong ko. Naalala ko bigla na nanggaling nga pala ako sa inuman at malamang nasa akin pa ang lighter ni Marc. Kinapakapa ko ang mga bulsa ko at natagpuan ko ito sa likuran na pocket ng cargo shorts ko.

Akmang sisindihan ko na ang lighter nang may biglang humawak sa mga binti ko. Nabigla ako ng sobra kaya nalaglag ko yung lighter ko.Nanigas ako at tila huminto sa pagpintig ang puso ko. Kahit mainit sa loob, ramdam ko ang panlalamig ng katawan ko.

Malamig ang kamay na nakahawak sa mga binti ko kaya lalo akong kinilabutan. Minuto ang lumipas ng bigla itong magbitaw.

Sa isip ko, gusto ko na talagang lumabas ng silid na iyon. Parang pinapatay ako sa labis na takot.

Hindi agad ako nakakilos. Pinakiramdaman ko ang buong paligid. Masama talaga ang kutob ko sa silid na ito.

Kailangan kong pulutin ang nalaglag kong lighter. Dahan-dahan akong umupo at kinapa-kapa ang sahig. Bahala na talaga kung may iba man akong makapa basta kailangan ko itong makuha sa lalong madaling panahon.

Naluwagan ako nang mahanap ko ang lighter pero nagulat ako nang may uod na dumikit dito. Saan galing ito? Agad ko itong inalis at sinindi ang lighter.

Nagimbal ako ng husto at parang bumaliktad ang sikmura ko nang makita ang isang nabubulok na katawan ng babae na nakahandusay sa may sulok at malapit lang sa kinatatayuan ko. Nasa state of decomposition na ito na talagang nagpatindig ng mga balahibo ko. Samantala, may isang namang babaeng naghihingalo sa may paanan ko. Marahil ito yung humawak ng binti ko kanina.

Wala itong saplot sa katawan. Wasak ang mukha nito. Duguan ang kanyang mga hita. Naggaling ang dugo nito sa maselang bahagi ng kanyang katawan. Halos magkulay ube na ang balat ng babae at halatang nag-aagaw buhay na ito.

Walang takot na tinapat ko sa mukha ng babae ang apoy ng lighter. Nagawa pa niyang maangat ang ulo niya sa sahig. Tuyong-tuyo ang mga labi niyang bahagyang bukas at mga mata niya'y kakulay ng dugo.

Isang malalim na paghinga ang narinig ko galing sa kanya at sa isang iglap lang nabuwal ang ulo niya sa sahig.

Hindi ako nakatulog nung gabing iyon. Dalangin ko sana'y matapos na ang lahat ng ito. Naupo ako sa pinakasulok, malayo sa naaagnas na bangkay ng isang babae. Napayakap ako sa mga tuhod ko. Ano ba itong nangyayari sa buhay ko?

Magdamag kong tiniis ang kalagayang iyon. Hindi ko alam kung anong oras na. Wala akong palatandaan ng oras pagkat wala akong relo at sarado ang buong silid.

Pagkatapos ng matagal na paghihintay, nagbukas ang pintuang bakal. Dumungaw ang isang lalaking may hawak na flashlight. Nakamask ito kaya di ko matantya kung sino ito.

"Boy, labas na. Naligaw ka ng selda," sabi niya.

Dahilan ng matinding amoy, wala akong nagawa kundi ang sumunod sa utos niya. Pagkatapos niyang malock ang pintuan, nagulat ako nang suntukin niya ako sa may sikmura ko dahilan ng pagkatumba ko. Namilipit ako sa sobrang sakit at naramdaman kong may dugong lumabas sa bibig ko. Hayop, sobra sobra na itong ginagawa nila.

Tinanggal niya ang mask niya at nakita kong hindi siya iyong lalaking nagpasok sa akin kanina sa silid.

Hinawakan niya ang t-shirt ko at muling kinaladkad. Hindi niya napansin na wala nang tali ang mga kamay ko. Kahit na may iniinda pa akong sakit nakuha ko pa ring makagat ang kamay niya hanggang sa magdugo ito. Napaigtad siya at napasigaw ng malakas ngunit tumigil rin nung suntukin ko ang maselan niyang bahagi sa baba. Nagpagulong gulong siya sa sahig. Kampante ako ngayon dahil nakasarado ang pinto sa taas.

Tinadyakan ko siya sa mukha. Nanggigil ako at di ko na yata mabilang kung nakailang tadyak na ako. Tumigil ako nung makitang sirang sira na ang mukha niya. Nag-aapoy na ako sa galit. Gusto kong magwala. Ngayon ko lang naramdaman ang galit na ito sa buong buhay ko.

Nasisiyahan ako ngayon sa nakikita ko. Ewan ko ba, pakiramdam ko para bang naging katulad na rin nila ako.

Nagawa pa niyang gumalaw at di ko inaasahan yon. Sumunod na ginawa ko ay ibinaon ko ang siko ko sa tiyan niya at bumulwak ang malapot na dugo sa ilong at bibig niya. Sa mga sandaling iyon, nanggigigil ako at pakiramdam ko hindi pa sapat itong ginawa ko sa kanya. Kulang na kulang pa.

Alam kong iilang tao na ang napaslang ng hayop na ito. Kulang pa rin ang buhay niya para pagbayaran ang nagawa niya. Para akong nababaliw na hayop sa mga oras na iyon. Walang humpay kong pinagtatadyakan sa mukha ang lalaki.

Natauhan ako bigla. Kinuha ko ang rebolber niya pati na rin ang mga extrang bala nito. Kailangan ko ng armas upang makatakas dito.

Nanginginig ang mga kamay ko ng mga sandaling iyon. Titig na titig ako sa hawak kong rebolber. Hindi ko alam kung pano ito gamitin sa totoo lang.

Nagpunta ako sa may hagdanan at maingat na pinag-aralan ang naturang baril. Naglikot ang kamay ko hanggang sa bigla itong pumutok ng hindi sinasadya.

Naalarma ako dahil maaaring narinig ito ng mga nasa taas. Pinatay ko ang apoy sa lighter. Nagtago ako sa kabilang sulok kung saan malayo sa hagdanan. Inabangan ko ang pagbukas ng pinto. Nakatutok ngayon dito ang rebolber na hawak ko. Nanginginig ang mga kamay ko. Ito nalang ang nalalabing paraan. Nakasalalay ngayon sa baril na ito ang buhay ko.

Sa mga oras na iyon, parang tanggap ko na ang kasawian ko. Hindi ko talaga inaasahan na sa isang iglap lang, masisira ang buhay ko.

Ilang saglit lang biglang nagbukas ang pintuan. Pabor sa akin ang laban dahil simula kanina nasanay na ako sa dilim samantalang sila ay kagagaling palang sa liwanag kaya sigurado akong mahihirapan sila sa pag-aninag. Lamang lang sila dahil marami sila at nag-iisa lang ako. Pangalawa, di ako bihasa sa paghawak ng baril.

Tatlo silang pumasok. Hawak-hawak nila ang mga baril nila. Mahinahon ang kanilang galaw at maingat na naglakad papasok.

"Jeff? Asan ka?" sambit ng isa sa mga lalaki.

Naaninag kong bumunot ng lighter yung isa kaya kinabahan ako. Bago pa niya ito sinindihan, pinutok ko na agad sa kanya ang baril at himalang nasapul ko siya sa may dibdib.

Agad akong dumapa pagkat nagpaulan ng bala yung kasama ng nabaril ko. Bumawi ako ng putok at nasupol ko ulit sila. Alam kong reresbak yung iba pa sa kanila kaya mabilis kong pinasok sa chamber yung extra ko pang mga bala. Anim na putok lang ang kapasidad ng baril na ito, at pagkatapos nito kailangan ko ulit magreload kaya dapat lang na hindi ako magpadalos dalos.

Pagpasok ng iba pang mga kasama nila, mabilis ko silang pinaputukan at isa-isa silang natumba sa sahig. Hindi ko alam kung pano ko iyon nagawa, hindi na ito mahalaga sa akin. Kailangan kong makatakas dito sa lalong madaling panahon.

Umakyat akong hagdanan at nakita kong wala nang tao at marahil naubos ko nga sila. Tumambad sa akin duguang katawan ng babae na wala ng malay na nakaratay sa billiard table. Nag-iisa lang ang bintana dito. Nakita ko ang tanawin sa labas. Napansin ko din na madaling araw na pala.

Dali-dali akong tumakbo patungong pintuan. Ngunit pagbukas ko, sinalubong ako ng isang armadong lalaki. Nagtaka ako dahil hindi ko siya nakita kagabi.

"At saan ka pupunta?" tanong niya sabay higit sa damit ko.

Dalawang beses ang laki ng katawan niya sa akin kaya di ako nakapalag. Nagulat siya nang makitang may hawak akong baril. Agad naman niya itong kinuha sa akin. Kinaladkad niya ako patungong garahe. Nakita ko ang mga nakahilerang container van. Doon niya ako kinaladkad sa huling van na may dalawang lalaking armado na nag-uusap. Nakita nila kami kaya agad nilang binuksan ang container van.

Sapilitan nila akong tinulak papasok. Narinig ko yung isa sa kanila na nagsalita.

"Ito na ba ang huli?" tanong niya at tumango yung nagkaladkad sa akin.

Sinarado nila ang container van. Sa loob, nakita ko ang iba pang mga lalaki na kasing edad ko. Mahigit labinlimang binatilyo kaming nasa loob. Hindi ko alam na may iba pa pala silang biktima. Katulad ko, balisa din ang mga itsura nila. Ano bang balak nilang gawin sa amin?

Hindi nagtagal, umandar na ang van. Tahimik sa loob, walang nagsasalita. Naisipan kong kausapin yung isa sa kanila.

"Saan nila tayo dadalhin?" tanong ko pero di umimik yung pinagtanungan ko.

Tinanong ko naman iyong isa. "Pareho lang tayong walang alam," sagot niya.

Huminto ang van. Nagbukas ang mga pintuan nito at nakita namin yung dalawang lalaki na may hawak na baril.

"Baba!" sigaw ng isa.

Walang bumaba ni isa sa amin. Naasar ang lalaki kaya nilapitan niya ang isa sa amin at marahas na hinila pababa. Samantala nakatutok pa rin ang baril ng isang lalaki sa amin.

Matapos makita iyong marahasang paghila nung armadong lalaki sa isang kasama namin, nag-unahan sa pagbaba yung iba pang binatilyong kasama ko maliban sa akin.

"Ikaw? Ayaw mong bumaba?" tanong ng isang lalaki.

Tiningnan ko siya ng masama at mahinahong bumaba ng container van.

"Kung meron sa inyo ang tatakas, babarilin ko sa ulo! Tandaan niyo yan," sigaw ng isang lalaki.

Sunod-sunuran kaming lahat sa kanila. Tahimik ang buong lugar. Alam kong malayo ito sa siyudad dahil napapalibutan ito ng mga matataas na puno. Meron akong nakitang dalawang bahay, walang bubong ang isa samantala yung isa naman ay parang hinagupit ng bagyo dahil sobra itong nawasak. Katapat ng mga ito ang isa pang malaking bahay.

Doon nila kami pinapasok. Maalikabok sa loob. Mistula itong abandonadong ospital. May mga flourescent lamp sa paligid na nagbibigay ng ilaw. Mayroong isang silid na para bang isang operating room at katabi nito ang isang hindi pa okupadong kulungan.

Pinagkasya kami ng dalawang lalaki doon. May isang lalaki ang lumapit sa selda namin. Maangas ang mukha niya at may suot siyang parang laboratory gown. Isa isa niya kaming kinunan ng mga blood sample. Minarkahan ng mga numero ang braso namin. Numero kinse ang tinatak ng maangas na lalaki sa braso ko. Walang nakapalag sa amin pagkat nagbabantay yung dalawang lalaki sa gilid ng kulungan namin.

Ilang saglit lang pinakawalan na nila kami. Lumabas yung maangas na lalaki sa parang operating room.

"Ang mga numerong mababanggit ko ay siyang mananatili dito," sabi niya.

Walo ang nanatili, kabilang na ako doon. Samantala yung mga hindi kabilang ay lumabas ng mala-abandonadong ospital at doon sumunod sa isa pang lalaking armado.

Pinaupo kami sa mahabang upuan ayon sa pagkakasunod sunod ng mga numero namin. Panghuli ako sa pila. Nakabantay pa rin yung lalaking may hawak na baril sa amin. Wala akong kaalam alam sa gagawin nila sa amin.

Naawa ako sa mga kasama ko pati na rin sa sarili. Hindi ko pinili ang mapunta dito, tila ba sinusundan ako ng kamalasan sa buhay.

Naunang pumasok yung number five. Pinaghubad siya ng damit nung maangas na lalaki pagkatapos ay pumasok ng silid. Ilang minuto ang lumipas, narinig namin ang isang sigaw na para bang kinakatay na tao. Napakalakas na sigaw na nanggaling yata sa loob ng silid. Nakakadiring pakinggan pero iyon ang totoo. Hanggang sa unti unti itong humina at tanging impit na tunog nalang ang narinig namin.

Kinabahan ako ng husto. Tinakpan ko nalang ang mga tenga ko. Parang unti-unti nang nabibigyang kahulugan ang lahat. Hindi lang naman ako ang kinakabahan at pinagpapawisan, pati din ang mga kasama ko.

Hindi nagtagal, lumabas yung maangas na lalaki. Tiningan niya ako ng masama na ibig sabihin lang ay ako na ang susunod.

Umalis na sa tabi ko yung armadong lalaki. Sa isip ko, ito na nga ang siguro ang magiging katapusan ng lahat. Nawala ang kaba sa dibdib ko at para bang nawala ang lahat ng lakas ko.

Pinaghubad ako ng damit pang-itaas at pinapasok sa silid. Sinalubong ako ng isang parang doctor na matanda. Nginitian niya ako. Parang ngiting nag-aanyaya ng kamatayan.

Pinalapit ako nung maangas na lalaki sa nakainclined na higaan na naninilaw at puno ng dugo na preskong presko pa.

Kakaiba ang itsura ng matanda. Gaya ng lalaking maangas, may suot din ito na laboratory gown. Yung mga mata niya parang may katarata at yung pisngi niya punong puno ng kulubot.

Sapilitan akong pinahiga sa nakaincline na higaan. Nagpumiglas ako nung una pero masyadong malakas yung maangas na lalaki. Tinali niya ang mga paa at kamay ko.

"Pwede mo na kaming iwan dito," sabi ng matanda.

Lumabas naman ng kwarto yung maangas na lalaki. Nanghihina na talaga ako ng mga oras na iyon. Habang naghahasa ng kutsilyo yung matanda, kinausap ko siya.

"Anong gagawin mo?"

"Kailangan namin ang mga laman loob niyo para pag-aralan ito," sagot niya.

"Para saan? Bakit niyo ito ginagawa?" dagdag ko.

"Nagsasagawa ako ng ekspiremento. Isa akong lisensyadong doktor at kabilang sa asosasyon ng mga propesyonal at bihasang doktor sa mundo. Kayong lahat ng nandito, binenta kayo sa amin sa halagang dalawang libo bawat isa sa inyo,"

Bigla akong natulala sa sinabi niya. Ibig sabihin, ginamit kami ng sindikato para mapagkitaan. Pagkatapos kong mapagtanto ang lahat, para akong nabuhayan ng dugo. Gusto kong magwala sa mga oras na iyon.

"Hayop kayo! @x@x@x@x!!!" sigaw ko.

"Manahimik ka!"

"Sinong nagbenta sa amin? Sabihin mo!?!" sigaw ko.

"Hindi ko maaring sabihin sa 'yo. Nasa batas ng transaction, bata," sabi niya.

Lumapit siya sa akin. May hawak siyang gunting sa kaliwang kamay at sa kabila nama'y isang matalim na kutsilyo. Pabilis ulit ng pabilis ang tibok ng puso ko habang papalapit siya sa akin. Nakita ko na naman ang ngiti niyang nagpapadagdag ng kabang nararamdaman ko.

Nagpumiglas ako hanggang sa naramdaman kong parang lumuwag yung tali sa kanan kong braso.

Nagulat ako ng matanggal ko ito at sa isang iglap lang sinakal ko siya gamit ang kanang kamay ko.

Para akong sinaniban ng demonyo ng mga oras na iyon at tingin ko sa matanda ay isang ding demonyong higit pa sa sinumang demonyo. Diniin ko ang mga daliri ko sa leeg niya hanggang sa mabitawan niya yung hawak niyang gunting at kutsilyo. Bumaon pa ng husto ang mga daliri ko sa leeg niya. Bumulwak ang dugo, hindi ako tumigil hanggang sa natanggal ko ang lalamunan ng matanda. Bumagsak siya ng di oras sa sahig na nakadilat pa ang mga mata.

Madali kong tinanggal ang tali sa mga paa at kaliwa kong braso. May nakita akong pintuan na may markang stock room sa itaas nito. Doon ako pumasok. Wala na akong pakialam kung anumang maabutan ko sa loob nito.

Pagpasok ko nandiri ako sa nakita ko. Nakahilera sa mga lamesa ang mga dissecting pan na naglalaman ng mga pirapirasong laman loob ng tao. Sa may sulok meron din isang garbage bag.

Naramdaman kong may pumasok sa kabilang silid kung saan nandon yung matanda. Sigurado, ito yung assistant. Halos mabingi ako sa narinig kong napakalutong na mura at tila ba naging isang mabangis itong leon.

Luminga ako sa paligid, wala na akong matatakbuhan. Nararamdaman ko na ang presensya ng lalaki na nasa likod ng pintuan.

Pumunta ako sa may lababo at nagtago sa ilalim nito. Nagbukas ang pintuan. Nakita ko ang anino ng lalaki na may dalang palakol. Ito na yata ang katapusan ko.

Dahan-dahang lumapit ang lalaki sa kinaroroonan ko. Wala akong ibang nagawa kundi ang pumikit at mag-antay ng milagro. Alam kong katapusan ko na pero huwag naman sana niyang kitilin ang buhay ko sa karumaldumal na paraan.

Narinig ko ang hagikgik niya at pagdilat ko laking gulat ko nang makita ko ang dalawang paa sa harap ko. Ininat niya ang mga kamay niya para makakuha ng pwersa. Ngunit bago pa niya ako matamaan, lumabas ako sa ilalim ng lalabo at nagmadaling tumakbo palabas ng silid.

Naramdaman ko ang paghabol niya. Nakita ko pang bintawan niya yung dala niyang palakol. Marahil ay nabibigatan siya dito kaya kumuha siya ng kutsilyo. Yung kutsilyong gamit ng matandang doctor na napaslang ko kanina.

Napadaan ako sa isang silid. Nagulat ako nang may biglang humablot sa akin at tinakpan ang bibig ko.

"Shsh. Ako yung kasama mo sa container van kanina." bulong niya at tila nabunutan ako ng tinik sa nalaman ko.

Mabantot ang buong silid pero tiniis namin ito. Naalala ko ulit yung bangkay ng babae na nakita ko sa silid na pinagkulungan sa akin nung mga sindikatong lalaki. Matinding pangilabot ang naramdaman ko bigla. Posibleng tambakan ito ng mga bangkay itong silid na napasukan namin.

Nagulat kami nang biglang sumindi ang ilaw. Kinabahan ako. Bumilis ang tibok ng puso ko at paglingon namin sa pintuan, nandon yung lalaking maangas. Nakangisi at may hawak na patalim sa kanang kamay nito.

Humagikgik siya at dahan-dahang lumapit sa amin. Nakita ko yung kasama ko na parang may kinukuha siya sa bulsa niya.

"Anong ginagawa mo?" tanong ko.

Nakita kong naglabas siya ng rebolber. Nagtaka ako kung saan niya ito nakuha pero di na mahalaga sa akin iyon. Tinutok niya sa lalaking maangas ang rebolber. Napapansin kong nanginginig pa ang mga kamay niya.

Nakadalawang putok siya pero puro sablay ang mga ito. Tumawa ang lalaki. Papalapit na siya sa amin. Sampung hakbang nalang yata ang distansya niya sa amin. Hindi na namin alam ang gagawin namin.

Tumakbo ang lalaki patungo sa amin kaya naalarma kami. Dali-dali kong inagaw sa kasama ko ang rebolber, salit salitan kong hinila ang gatilyo at ang hammer nito. Nakatatlong sunod sunod na putok ako at basag na basag ang mukha ng lalaki. Tumilapon ang katawan ng lalaki.

Namangha yung binatilyong kasama ko. Mismong ako ay hindi rin makapaniwala sa nagawa ko.

Umaapaw ako sa galit ng mga sandaling iyon. Naalala kong may mga bala pa pala akong natira. Pinutok ko itong lahat sa dibdib ng lalaking nakahandusay sa sahig na basag ang mukha. Nagtalsikan ang dugo. Bawat tira ng bala ay may kasaling mura at dura sa katawan ng lalaki. Nadala ako ng emosyon ko, alam kong hindi pa ito sapat. Hinding hindi magiging katumbas ng buhay nila ang mga nagawa nilang kasalanan. Higit pa sa panghabambuhay na parusa sa impyerno. Higit pa sa halaga ng kanilang kaluluwa.

0 comments:

Post a Comment